Brodkaster na si Mon Tulfo arestado sa Maynila dahil sa cyber libel
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga otoridad ng Manila Police District (MPD) ang kolumnista at brodkaster na si Ramon Tulfo — kapatid ni presumptive senator Raffy Tulfo — dahil sa reklamong cyber libel.
Bandang 10:05 a.m., Miyerkules, nang hainan ng warrant of arrest si Tulfo sa loob ng quadrangle ng Manila City Hall ng mga kawani ng Special Mayor Action Team (S.Ma.R.T)-MPD.
Ayon sa MPD, binigyan ng warrant ang naturang media persionality dahil sa diumano'y paglabag sa Section r (c) (4) of R. A 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
"[P]rior to the arrest [a certain] Atty Lean Cruz, [counsel] for the complainant informed this office about the case and seek police assistance to arrest the accused," ayon sa pahayag ng MPD public information office kanina.
"The accused was duly informed of her Constitutional Rights under R.A. 7438 in a language known to and understood by his and the nature of the charged being imputed against him but opted to remain silent."
Ang naturang warrant ay inisyu ni Maria Victoria A. Soriano-Villadolid, presiding judge ng Manila Regional Trial Court branch 24.
Sa panayam ng Philstar.com kay Maj. Phillip Ines, tagapagsalita ng MPD, kasalukuyang naka-detain sa loob ng opisina ng S.Ma.R.T si Tulfo.
Una nang sinabi ng kapatid niyang si Raffy, na nakatakdang iproklama sa pagkasenador ngayong hapon sa Pasay City, na nais niyang i-decriminalize ang kasong libelo. Oras na mangyari ito, wala nang kulong na parusa at kailangan na lang magbayad ng "civil damages."
Para sa mga press freedom advocates at media groups, nagagamit ang criminalized libel para i-harass ang mga reporter palayo sa kritikal na pagbabalita. — James Relativo
- Latest