Resulta ng halalan, irespeto — PNP
MANILA, Philippines — “Kung talagang mahal ninyo ang Pilipinas, igalang ang resulta ng halalan.”
Ito ang apela sa publiko ni Police Maj. Gen. Valeriano De Leon, Deputy Task Force Commander STF NLE 2022 sa patuloy na protesta sa resulta ng nagdaang eleksiyon.
“Patunayan ninyo na mahal talaga ninyo ang ating bansa at ito ay nag-uumpisa sa pag-respeto ng resulta ng halalan.
Nagsalita na ang taumbayan at maliwanag na ngayon kung sino ang magiging bagong presidente at bagong bise presidente, tanggapin natin ito ng bukal sa ating kalooban dahil ito ang desisyon ng mahigit tatlumpung milyong Pilipinong botante,” ani De Leon.
Sinabi ni De Leon na may ilang grupo pa rin ang nagsasagawa ng rally at protesta kung saan kinukuwestiyon ang umano’y iregularidad sa halalan.
Paliwanag pa ni De Leon, maituturing din na insulto sa mga guro, sundalo, pulis at coast guard personnel ang mga paratang na dayaan na walang matibay na ebidensiya.
Hindi matatawaran aniya ang mga sakripisyo ng mga ito upang matiyak lamang maisasagawa ng maayos at may kredibilidad ang May 2022 elections.
Gayunman, sinabi pa ni De Leon, na ipatutupad pa rin nila ang maximum tolerance sa mga protesta alinsunod sa kautusan ni PNP Officer-In-Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao.
- Latest