Bagong Presidente, VP maipoproklama sa Mayo 27-28
MANILA, Philippines — Posibleng maiproklama ang mga mananalong presidente at bise presidente ng bansa sa Mayo 27-28.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, planong simulan ang canvassing sa umaga ng Mayo 24 dahil magbabalik ang sesyon ng Kongreso sa Mayo 23. Sa nabanggit na panahon din aniya papangalanan ng Senado ang kanilang pitong kinatawan sa National Board of Canvassers (NBOC).
Ang mga miyembro mg Congressional Canvass Committee na tatayong NBOC ay pangungunahan ni Speaker Lord Allan Velasco at Sotto.
Nakatitiyak si Sotto na may maidedeklara ng bagong pangulo at pangalawang pangulo bago pumasok ang Hunyo.
Sa mga nakalipas na halalan ay masyadong mahaba ang canvassing dahil manu-mano ang bilangan ng mga boto pero sa pagkakataong ito ay magiging computerized na ito, sabi naman ni Velasco.
“This time it’s gonna be computerized. So you won’t see anymore white boards, manual tallies,” dagdag niya.
‘Welcome’ naman ang mga dayuhang observers sa bansa sa proseso ng canvassing at pagpoproklama ng mga nagwaging kandidato sa dalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Samantala, sinabi ni Commission on Elections Commissioner George Garcia sa Laging Handa online press briefing na hindi dapat na pagdudahan ang resulta ng katatapos na eleksiyon.
Pinapaskil aniya sa bawat polling precinct ang resulta ng botohan upang malaman ng publiko kung ilan ang botong nakuha ng isang kandidato.
Ayon pa kay Garcia, may kopya ng election return ang PPCRV o Parish Pastoral Council for Responsible Voting at NAMFREL at wala namang nagrereklamo na hindi magkatugma ang numero sa kanilang natanggap na ER sa inilabas ng Comelec. — Joy Cantos
- Latest