Walang atrasan, tuloy ang laban
4 prexy bets nagkaisa
MANILA, Philippines — Nanindigan ang apat na presidential candidate na itutuloy nila ang kandidatura sa pagka-presidente sa gitna ng mga panawagan na sila’y umatras.
Ito ang sinabi nina presidential aspirants Isko Moreno, Senator Ping Lacson at c sa isang press conference kahapon sa Makati City.
Sa joint statement na binasa ni Moreno, nangangako silang maninilbihan sa pamahalaan sinuman ang mapipili sa kanila bilang susunod na pangulo at hinding-hindi magbibitiw sa kampanya at itutuloy ang kandidatura upang maging karapat-dapat sa pagpili ng mga Pilipino.
Sinabi pa ng Alkalde na lumagda rin sa kanilang joint statement si Senador Manny Pacquiao subalit hindi nakarating sa press con.
Ginawa ang joint press conference dahil sa panawagan ng kanilang pag-atras base na rin sa resulta ng survey kung saan lumalabas na two-way ang presidential race sa pagitan nina dating Senador Bongbong Marcos Jr., at Vice President Leni Robredo.
Paliwanag naman ni Lacson, hindi sila naghahanap ng revolution, kundi nais lamang na ipakita sa taumbayan na may iba pang options para pagpilian, na may iba pang tumatakbo bukod kina Bongbong at Leni.
Ayon naman kay Moreno, mas magandang maliwanagan ang isipan ng mga tao na hindi dapat magpatuloy pa ang laban ng ‘pulahan’ at ‘dilawan’ dahil kahit sino sa kanila ay hindi matatanggap ang pagkatalo na maaaring magresulta sa patuloy na sigalot.
“Kung ayaw niyo kay Marcos, kung ayaw niyo kay Leni, mamimili kayo sa amin,” wika ni Lacson.
Ipinaliwanag naman ni Gonzales na dapat makita ng tao ang iba pang tumatakbong kandidato at hindi lamang tumutok sa lumalabas na number 1 at 2 sa surveys.— Ludy Bermudo Danilo Garcia
- Latest