^

Bansa

De Guzman makikipag-isa sa Simbahan kahit pabor sa same-sex marriage, divorce

James Relativo - Philstar.com
De Guzman makikipag-isa sa Simbahan kahit pabor sa same-sex marriage, divorce
File photo ni presidential aspirant Ka Leody de Guzman
File

MANILA, Philippines — Bagama't makakabangga ng isang presidential candidate ang Simbahang Katoliko pagdating sa isyu ng same-sex marriage at diborsyo, natitiyak niyang nasa iisang panig lang sila pagdating sa pagsulong ng kapakanan ng tao.

Inilinaw ito ni Partido Lakas ng Masa presidential aspirant Leody de Guzman matapos manindigan sa panayam ng ONE News na pabor siya sa pagsasabatas ng same-sex marriage at diborsyo kung mananalo sa eleksyong 2022.

"Malamang talaga magkakabangga kami ng Simabahan sa aming paniniwala [sa same-sex marriage at divorce]. Pero alam ko, [sa]... 99% [ng isyu], magkakasundo kami dahil ang Simbahan para sa tao, ako ay para sa tao rin," ani De Guzman sa panayam ng Politiko, Miyerkules.

"Kaya ang tingin ko siguro roon magkakasalungat pero maliit na bagay 'yon kumpara doon sa malaking bagay na aming pagsasamahan, 'yung paglilingkod sa mga mahihirap, paglilingkod sa mga manggagawa. Sana po ay hindi matabunan 'yon, 'yung 99% ng aming pinagkakasunduan, dahil lang sa 1%."

Bagama't matagal nang tumututol ang Simbahan sa pagsasabatas ng same-sex marriage at diborsyo sa Pilipinas, kilalang tagapagtaguyod ng karapatan ng manggagawa at karapatang pantao laban sa abuso ang naturang institusyon.

Parehong tumitindig laban sa extrajudicial killings at madugong "war on drugs" ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga relihiyoso at aktibista gaya ni De Guzman.

Una nang pumalag ang karamihan ng 2022 presidential aspirants gaya nina Bise Presidente Leni Robredo, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Manny Pacquiao at Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa isyu ng pagsasaligal ng same-sex marriage Pilipinas. 

Ngunit para kay Ka Leody panahon nang kilalanin ang karapatan ng mga bakla, lesbyana, bisexual, transgender, atbp. na magpakasal sa ilalim ng batas: "Ayoko namang maging... ipokrito o trapo na magsa-silent lang ako riyan para kabigin ang boto nila [Simbahan]," dagdag niya.

"Sa pag-unlad ng ating lipunan, kailangang kilalanin din 'yung karapatan ng mga kababaihan at kababaihan na kung hindi nagkakasundo, lagi na lang silang nag-aaway, kailangang bigyan ng pagkakataon na sila'y maghiwalay after ng mahabang pagsisikap na pagsamahin sila," banggit niya sa hiwalay na panayam.

"Kung talagang hindi magkasundo, 'yung pag-ibig sa pagitan nilang dalawa ay namatay na o hindi na talaga pwedeng pagsamahin, sang-ayon ako na maghiwalay dahil maikli lang ang buhay sa mundong ito. Huwag nating hayaan na biktima tayo pareho, 'yung lalaki at babae, 'yung pinipilit na relasyon."

Anong sabi ng batas dito?

Ayon sa Article II, Section 6 ng 1987 Constitution, itinuturing na sadyang magkahiwalay ang pamamalakad Simbahan sa gobyerno. Matatandaang halos iisa lang ito noong panahon ng kolonyalismong Espanyol sa Pilipinas:

The separation of Church and State shall be inviolable.

Walang sinasabi ang konstitusyon na limitado lang dapat sa pagitan ng isang lalaki at babae ang pagpapakasal, bagay na pwedeng gawin ng parehong Simbahan at estado. Wala ring sinasabi ang Saligang Batas pagdating sa diborsyo. Ayon sa Article XV, Section 2:

Marriage, as an inviolable social institution, is the foundation of the family and shall be protected by the State.

Sa kabila nito, sinasabi ng Family Code na para lamang sa isang babae at lalaki ang institusyon ng kasal:

Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life.

Iligal sa ilalim ng Article 349 ng Revised Penal Code ang pagpapakasal uli ng isang taong dati nang nakasal sa Pilipinas. Meron din itong parusang kulong:

The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.

Sa ilalim ng Article 333 ng Revised Penal Code, guilty sa kasong "adultery" ang mga kasal na babaeng makikipagtalik sa hindi niya asawa. Parurusahan din ang lalaking kanyang makakatalik:

Adultery shall be punished by prision correccional in its medium and maximum periods.

If the person guilty of adultery committed this offense while being abandoned without justification by the offended spouse, the penalty next lower in degree than that provided in the next preceding paragraph shall be imposed.

"Concubinage" naman sa ilalim ng Article 334 ng RPC ang pwedeng ikaso sa kasal na lalaking magbabahay o makikipagtalik "under scandalous circumstances" sa babaeng hindi niya asawa.

[He] shall be punished by prision correccional in its minimum and medium periods. The concubine shall suffer the penalty of destierro.

Sa ilalim ng Article 13 at Article 26 ng Family Code, pwedeng makasal uli ang dati nang naikasal kung:

  • namatay na ang isang asawa
  • nagkaroon ng annulment o declaration of nullity sa naunang kasal
  • nag-diborsyo ang isang Filipino at asawang banyaga sa ibang bansa

'Magrespetuhan'

Muling idiniin ni De Guzman na hiwalay ang estado sa anumang relihiyon, at dapat magrespetuhan na lamang ng kanya-kanyang alituntunin.

"Doon naman kasi, huwag mag-impose ang Simbahan doon sa pagpapatakbo ng estado... Kung ang gobyerno mo ay gawing ligal ang same-sex marriage, 'wag din naman sila mag-impose ng authority doon sa gobyerno," paliwanag niya pa.

"Tulad ng gagawin ng gobyerno ko kung saka-sakali, hindi ako mag-i-impose ng aking gusto doon sa kung ano 'yung tradisyon o practice nila doon sa loob ng Simbahan. Magrespetuhan."

2022 NATIONAL ELECTIONS

CATHOLIC CHURCH

DIVORCE

LEODY DE GUZMAN

SAME-SEX MARRIAGE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with