10,775 new COVID-19 cases sa Pilipinas pinakamalaki sa halos 3 buwan
MANILA, Philippines — Umabot na naman sa panibagong antas ng pagtalon ang newly infected COVID-19 cases sa bansa matapos nitong tumuntong sa 10,775 ngayong araw — milya-milya mula sa 889 cases noong nakaraang linggo.
Huling mas mataas ang bilang ng bagong hawa ng COVID-19 sa Pilipinas noong ika-10 ng Oktubre (12,159) — nasa 87 araw na ang nakalilipas.
- Kabuuang kaso: 2,871,745
- Bagong hawa: 10,775
- Kabuuang patay: 51,662
- Kamamatay lang: 58
- Aktibong kaso: 39,974
"Ngayong 4 PM, Enero 5, 2022, ang Department of Health ay nakapagtala ng 10,775 na karagdagang kaso ng COVID-19. Samantala ay mayroon namang naitalang 605 na gumaling at 58 na pumanaw," ayon sa Department of Health, Miyerkules.
Dagdag pa ng kagawaran, aabot na sa 2.78 milyon ang bilang ng kabuuang gumagaling sa mga tinamaan ng COVID-19.
Sa kabila ng nagtataasang panibagong kaso, na ipinagpapalagay ng DOH na naapektuhan na ng mas nakahahawang Omicron variant, siyam na laboratoryo pa ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Dahil sa panibagong spike ng cases, ilang local government units na sa Kamaynilaan ang nagpapasa ng ordinansa para bawalang lumabas ng bahay ang mga hindi pa nakakapagpabakuna laban sa COVID-19 alinsunod sa resolusyong napagkaisahan ng Metro Manila Council.
Kaugnay nito, pag-uusapan daw bukas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung magpapatupad ng kahalintulad na "No bakuna, no labas" policy sa buong Pilipinas. — James Relativo
- Latest