KILALANIN: Senatorial lineup nina Manny Pacqiuao, Lito Atienza
MANILA, Philippines — Pormal nang ipinakilala ng tanging eight division boxing chapion at presidential aspirant ang lineup ng mga tatakbo sa pagkasenador na kanyang susuportahan sa ilalim ng ticket sa halalan ng taong 2022.
Ayon kay PROMDI party candidate Sen. Manny Pacquiao — na tatakbo sa panguluhan kasama ang running mate na si dating Manila Mayor Lito Atienza — hindi pa kumpletong 12 ang kanilang senatoriables dahil dami ng gustong mag-guest candidates sa ilalim ng kanilang grupo.
Kabilang dito sina:
- Raffy Tulfo
- Bayan Muna chair Neri Colmenares
- Kilusang Mayo Uno chair Elmer "Ka Bong" Labog
- Sen. Richard "Dick" Gordon
- Sen. Migz Zubiri
- Sen. Joel Villanueva
- dating senador at Sorsogon Gov. Chiz Escudero
- dating senador at Antique Rep. Loren Legarda
- dating Bise Presidente Jejomar Binay
- Lutgardo Barbo
JUST IN | Pinangalanan na ng Pacquiao-Atienza tandem ang kanilang senatorial slate sa 2022 elections. #BilangPilipino2022 | via Maeanne Los Banos pic.twitter.com/FV42nQ7fIv
— News5 (@News5PH) October 15, 2021
"Meron kaming senatorial line up at hindi lang namin binuo dahil maraming mga guest candidate sa ating mga senador," ani Pacquiao sa panayam ng ANC, Biyernes.
"At hindi naman natin sila kino-corner 'yung mga tumatakbo dahil senatorial lang naman 'yung tinatakbo nila at 12 'yung kailangang manalo... May bakante pa hindi natin alam baka 'yung ibang mga kandidato gusto ring mag-apply maging guest candidate, eh open tayo."
Matatandaang una na ring inanunsyo na tatakbo rin sina Binay at Zubiri sa ilalim ng senatorial slate ni Sen. Panfilo Lacson, na makakalaban ni Pacquiao sa susunod na taon.
Si Barbo, na dating Senate secretary, ay direktang kakandidato sa ilalim ng naturang partido at hindi basta guest candidate.
"Naniniwala po tayo sa kanyang (Barbo) kakayahan, sa kanyang experience pagdating sa pagseserbisyo sa taumbayan," dagdag ng boxer-turned-politician.
"Naniniwala siya doon sa programa natin na tunay na pagbabago at sugpuin ang korapsyon dahil 'yan po ay cancer sa ating bansa... Makulong 'yung lahat ng kawatan diyan sa gobyerno, magkaroon tayo ng kaginhawaan at magkaroon tayo ng kasaganahan at maunlad na bansa."
Una nang sinubukan ni Pacquiao na tumakbo sa ilalim ng PDP-Laban matapos nilang gumawa ng paksyon dito, bagay na bumangga sa grupong pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Matatandaang pinatakbo sa pagkapresidente ng Cusi wing ng PDP-Laban si Sen. Ronald "Bato" dela Rosa, na siyang dating namuno sa kontrobersyal at madugong war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte. — may mga ulat mula sa News5
- Latest