Meron ka na ba?: ECQ ayuda sa Metro Manila '75% na naibibigay'
MANILA, Philippines — Nasa 25% na lang ng cash aid para sa mga naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang hindi pa naibibigay sa mga residente sa Metro Manila, pahayag ng Malacañang at Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong araw.
Matatandaang P1,000 ayuda kada apektadong residente, o hanggang P4,000 kada pamilya, ang ibibigay ng national government bilang tulong sa muling pagsasarado ng mga trabaho't establisyamento sa pagtaas uli ng COVID-19 cases sa bansa.
"I'm happy to announce that according to the DILG, naipamigay na po ang 75% ng lahat ng mga pondong na-download na po sa national government sa Metro Manila," ani presidential spokesperson Harry Roque, Lunes.
"Ito po'y nabenepisyuhan na ang 8.4 million beneficiaries." Ibig sabihin, nasa P8.4 bilyong halaga ng ayuda na ang naipapamahagi sa kasalukuyang round ng lockdown sa Kamaynilaan.
Pinapurihan din ng Palasyo ang mga local mabilis ang distribution, gaya na lang ng:
- Caloocan (100%)
- Pateros (96.87%)
- Mandaluyong (85.52%)
- Paranaque (77.89%)
"May possibility naman po sa mga LGUs na hindi pa natatapos ng kanilang proseso na mabigyan ng karagdagang panahon," dagdag pa ni Roque.
Una nang sinabi ng gobyerno na pwedeng bigyan ng 15-araw na palugit ang mga lungsod na hindi agad makukumpleto ang pamamahagi ng ayuda sa takdang panahon. Pwede rin silang mag-request ng extension kung mahirapan sa pamamahagi dahil sa banta ng COVID-19.
Bagama't nag-shift na sa Modified Enhanced Community (MECQ) ang Metro Manila, tiniyak naman ni Interior spokesperson Jonathan Malaya na tuloy-tuloy lang ang ang pamimigay ng ayuda kahit tapos na ang ECQ.
'Pabilisin cash aid bills sa Konggreso'
Samantala, nananawagan naman ngayon sa Kamara at Senado ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na pabilisin ng lehislatyura ang mga panukalang batas na nananawagan ng dagdag na ayuda sa gitna ng epekto ng pandemya sa kabuhayan. Kabilang na rito ang:
- P10,000 Ayuda Bill
- 100 Daily Wage Subsidy Bill
- Paid Pandemic Leave Bill
"The people are in dire need of support during these times. Malaki pa rin ang banta ng Covid-19. Limitado ang pagkilos natin dahil sa lockdown. Mahirap maghanap ng trabaho. Kaliwa't kanan, namamamatay ang ating mga kababayan — kung hindi dahil sa Covid-19, dahil sa hirap at kagutuman," ani Jerome Adonis, sercretary general ng KMU kanina.
"Hindi dumadating, at kung dumating man, lubhang kulang ang suportang nakukuha natin mula sa gubyerno. Kung may urgent tayong dapat isalang ngayon sa mga komite at sa plenaryo, ito dapat ang mga batas na nagbibigay ng pinakamalaking benepisyo para sa mahihirap."
Inaasahang tatalakayin ng Senado ang Bayanihan to Arist as One Act, na siyang P405-bilyong relief package at ikatlo sa Bayanihan series.
Pinagmamatyag din ngayon ni Adonis ang taumbayan sa kung paano gamitin ng gobyerno ang ayuda at rehabilitaion funds ngayuong pandemya, lalo na't may kontrobersiya sa paggastos at "non-spending" ng ilang departamento at ahensya.
Bago pa man ang mga report ng Commission on Audit, meron na aniyang P9 bilyong pondo mula sa Bayanihan 2 na nananatiling hindi nagagastos. Parte nito ay nakalaan sana para sa ayuda sa mga jeepney drivers.
"Mayroong pondo ang gobyerno, pero ilang ulit na nating napatunayang ipagdadamot nila ito sa mahihirap kung hindi sila kakalampagin! Habang itinutulak na maipasa ang mga susunod pang batas para sa ayuda, dapat patuloy pa rin nating igiit ang pamamahagi ng pondong nakalaan para sa ayuda at iba pang porma ng relief," ani Adonis.
- Latest