Novavax posible nang maisyuhan ng EUA
MANILA, Philippines — Inaasahang mabibigyan na rin ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) ang Novavax COVID-19 vaccine, na sinasabing epektibo laban sa iba pang uri ng variant kabilang ang Delta variant.
“Ang possible so far ‘yung Novavax, isang bakuna na na-develop sa US and India na very promising din at mukhang maganda sa Delta variant. Nag-publish na sila ng result,” ayon kay FDA Director General Eric Domingo nitong Linggo.
Nabatid na ang Pfizer, AstraZeneca, Sinovac (CoronaVac vaccine), Gamaleya Institute (Sputnik V), Johnson & Johnson (Janssen), Bharat Biotech (Covaxin), at Moderna na ang mga naisyuhan ng EUA ng Philippine FDA.
Ayon sa ulat ng Reuters, ang Novavax na protein-based vaccine ay may mahigit 93% epektibo laban sa nakahahawang coronavirus variants.
Samantala, patuloy pang pinag-aaralan ng mga vaccine experts ang naging side effect ng Pfizer hinggil sa napaulat na pamamaga o inflammation ng puso sa mga nabakunahan nito.
Gayunman, nilinaw ni Domingo na “very rare” ang kaso ng side effects at mga wala pang 18 anyos ang edad ng mga tinamaan sa ibang bansa habang sa Pilipinas naman ay hindi pa nabibigyan ng bakuna ang mga kabataang 18 pababa.
Una nang sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na wala pang dahilan para ipatigil ang paggamit ng Pfizer sa pagbabakuna lalo’t hindi naman permanente ang adverse effects nito.
- Latest