DOST: Lagundi 'napabilis' recovery ng may COVID-19 mild symptoms sa local trials
MANILA, Philippines — Nakatulong ang tradisyunal na halamang gamot na kung tawagin ay "lagundi" sa pagpapabilis ng paggaling ng ilang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) mula sa mild symptoms, ayon sa isinagawang lokal na trials sabi ng gobyerno.
Ayon kay Department of Science and Technology Secretary Fortunato Dela Peña, 278 pasyente mula sa sari-saring quarantine facilities ang lumahok sa pag-aaral. Kalahati sa kanila ang pinagamit ng lagundi habang ang nalalabi naman ay hindi.
"Lahat naman sila’y gumaling. Ang pagkakaiba lang po nila, unang-una, iyong mga nag-lagundi, madaling nagbalik iyong kanilang pang-amoy ano," wika ni Dela Peña sa Laging Handa briefing, Miyerkules.
"Iyon pong mga sintomas nung mga nag-take ng lagundi ay mas unang nawala iyong mga sintomas ano. Pero ang kanilang kabuuang finding eh pare-pareho silang umabot ng between 7 [to] 8 days bago maka-recover at wala naman pong naging adverse effect."
Ilan sa mga kilalang sintomas ng COVID-19 ang pagkawala ng amoy matapos dapuan ng naturang virus.
Maliban sa pagkawala ng amoy, sintomas din ng COVID-19 ang lagnat, tuyong ubo, pagkapagod, sakit ng lalamunan at ulo, maliban sa iba pa. Matagal nang ginagamit ng mga Pilipino ang lagundi bilang remedy sa ubo.
Kasama rin ngayon sa inaalisa ng mga mananaliksik kung paano naaapektuhan ng lagundi ang viral load ng pasyente, o 'yung dami ng virus sa dugo ng may sakit.
"Kung maganda iyong resulta, ito ay inaasahan namin na sana naman ay i-recommend ng ating [Department of Health] at puwede ring ituloy ang trials para sa mga moderate cases," dagdag ni Dela Peña.
Maliban sa pananaliksik sa epekto ng lagundi, tinitignan din ngayon ng gobyerno kung mabisa laban sa COVID-19 ang ivermectin, bagay na sasailalim sa clinical trials ng anim na buwan, sabi ng DOST official.
Meron ding hiwalay na pag-aaral ngayon sa epekto ng virgin coconut oil para sa mga moderate at severe patients, bagay na inaasahang matatapos sa Hulyo. Isa ito sa mga ginagamit sa ngayon bilang food supplement para mabawasan ang sintomas ng mga probable at suspect COVID-19 cases.
Sa huling taya ng Department of Health ngayong araw, umabot na sa 1,412,559 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, pumanaw na ang 24,662. — James Relativo
- Latest