Pag-aaral sa Lagundi, vco kontra COVID-19 ilalabas sa Hulyo
MANILA, Philippines — Sa susunod na buwan ay ipapalabas ng Department of Science and Technology (DOST) ang resulta hinggil sa ginawang pag-aaral sa lagundi at virgin coconut oil bilang potensyal na gamot sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
“Yung VCO at lagundi malapit na po siguro by next month baka mayroong preliminary analyses kung ano sinasabi ng datos ng pag aaral na ito,” wika ni ADr. Jaime Montoya, executive director ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) ng DOST.
Una nang sinabi ni DOST chief Fortunato Dela Peña na ang clinical studies sa paggamit ng VCO laban sa COVID-19 ay makukumpleto na sa pagtatapos ng Hunyo habang sa lagundi naman ay nasimulan noon pang nakalipas na Oktubre.
Nakumpleto ang Phase 2 ng clinical trials ng VCO noong Nobyembre habang ang completion ng hospital-based clinical trials dito ay dapat na magtapos na sa Mayo 31, 2021.
Samantalang ang COVID-19 clinical trials sa tawa-tawa herbal plant naman, ayon kay Montoya ay naghihintay pa ng mga boluntaryong sasalang sa pag-aaral.
Noong 2020, sinabi ng DOST na pinag-aaralan ang paggamit ng tawa-tawa para sa mga pasyenteng dinapuan ng novel coronavirus 2019.
- Latest