^

Bansa

'Disaster waiting to happen': Ideyang armasan sibilyan vs krimen inalmahan

James Relativo - Philstar.com
'Disaster waiting to happen': Ideyang armasan sibilyan vs krimen inalmahan
Undated file photo shows San Juan Mayor Francis Zamora checking out unlicensed firearms surrendered to the city police.
The STAR/Boy Santos, File

MANILA, Philippines — Peligroso at hindi dapat kunsintihin — ganyan isalarawan ng Bayan Muna party-list ang kanilang pananaw pagdating sa mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang anti-crime groups ng mga sibilyan, bagay na maaaaring mauwi sa trahedya.

Biyernes nang sabihin ni Digong na bukas siya sa ideyang isyuhan ng mga baril ang mga civilian volunteers na nais tumulong sa Philippine National Police (PNP) laban sa krimen, bagay na siyang sinasang-ayunan ngayon ng pulisiya:

"If you have this coalition, you have a list of people who are there and who can arm themselves. I will order the police. If you are qualified, get a gun and help us enforce the laws."

"What the people need now are faster vaccine rollout and ayuda not more guns and rights violations  This kind of mindset will only make the streets more dangerous because this will usher a rise in extrajudicial killings and vigilantism," wika ni House Deputy Minority leader Carlos Isagani Zarate.

"Sa ngayon pa nga lang ay marami na ang kaso ng mga pulis at sundalo na nagwawala o inaabuso ang paggamit ng kanilang mga baril tapos dadagdagan pa ng mga taong di naman sinanay at bihasa dito. Pinapasailalim na nga sa neuropsychiatric evaluation ang mga pulis para mabawasan ang pang-aabuso nila, tapos ganito pa ang gagawin?"

Aniya, hindi malayong maulit-ulit ang mga insidente ng police gun abuse gaya ng kina Jonel Nuezca (Disyembre 2020), Hensie Zinampan (2021), atbp. laban sa mga sibilyan. Wika ni Zarate, palalalain lang nito ang karahasang nakakabit sa pagpatay ng mga suspek dahil sa "panlalaban" nila.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros na hindi tama na ipasa sa sibilyan ang trabaho ng kapulisan na nagdadaan sa pagsasanay para gampanin ang kanilang tungkulin.

"Sang-ayon ako sa Commission on Human Rights: may kaakibat na professional training ang pagdadala ng armas, lalo na kung tutugon sa mga sensitibong sitwasyon. Yun ngang mga pulis na sumailalim sa training, nakakapatay ng lola at bata, paano pa kaya yung mga nasa anti-crime civilian organizations na informal ang pagsasanay sa paghawak ng baril? Paano sila pananagutin? " ayon sa kanya.

Una nang binanatan ni Bise Presidente Leni Robredo ang inilutang na ideya ni Duterte at ng PNP, at sinabing malaking responsibilidad ang ganitong "solusyon" kontra-krimen.

Palasyo: Ideya pa lang, hindi pa polisiya

Inilinaw naman ni presidential spokesperson Harry Roque ang tumatakbo sa isip ng pangulo noong Biyernes, habang idinidiin na hindi pa naman ito pinal.

"He's open to the idea. Pero wala pa naman pong finality. Siguro the best view expressed so far is the view of PNP chief [Guillermo] Eleazar, which I share," saad ng tagapagsalita ni Duterte kanina.
 
"Kailangang intindihin naman natin na kapag ang mga volunteer groups ay merong banta sa buhay nila, ay meron din silang karapatan na depensahan ang kanilang mga buhay."

Hindi raw hahayaan ni PNP na mabiktima ng criminal groups ang mga volunteer groups. Dahil diyan, ineengganyo nila ang mga nabanggit na "makipaglaban kasama nila." Dagdag pa niya, realidad na tuwing tumutulong ang mga sibilyan sa pulis ay may banta sa kanilang mga buhay.

"Speculative" pa rin naman daw na aabusuhin ng mga civilian volunteer groups ang posibleng kapangyarihang iatang sa kanila bilang "vigilante groups," lalo na't wala pang ganap na polisiya rito.

Sa kabila nito, ikinababahala ito ng ilan lalo na't kahit ang mga trained professionals sa hanay ng mga police ay may mga sari-sariling lapses, paano pa kaya ang mga untrained.

'Body cams, hindi mas maraming armado'

"All policemen and soldiers should instead have bodycams to prevent abuses and not more people carrying guns. There are more productive ways to spend the people' budget other than this absurd and another militarist proposal," patuloy ni Zarate sa isang statement.

Sa huli't huli, imbis na pagtuunan ang pamumudmod ng mga baril ay dapat mas diinan daw ang efforts ng gobyerno pagdating sa libreng COVID-19 testing, pro-active contact tracing, ayuda at pagpapabilis ng vaccination kaysa mga "militaristang" proposals.

Sa bahagi naman ni Hontiveros, idiniin ng senador na hindi magagamit na batayan ng sitwasyon sa peace and order ang dami ng baril at ng armadong bahagi ng populasyon.

"Imbes na armasan, pag-ibayuhin dapat ang tulungan sa mga komunidad. Dapat mga pulis ang humanay at makibahagi sa mga mamamayan upang mas maunawaan ang pangangailangan ng isang lugar pagdating sa kaayusan. Yan ang totoong 'force multiplier' effect."
 

Agosto 2019 lang nang banggitin ni Duterte na bukas siya sa ideyang armasan ang mga bumberong sibilyan para makatulong sila sa mga paglaban sa mga "enemies of the state."

Ngayong Hunyo lang nang humingi ng permiso si dating International Criminal Court prosecutor Fatou Bensouda na magbukas na ng imbestigasyon pagdating sa "crimes against humanity" ni Duterte sa ilalim ng madugong war on drugs ng administrasyon.

BAYAN MUNA PARTY-LIST

CRIMINALITY

EXTRAJUDICIAL KILLINGS

HUMAN RIGHTS

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with