Trike driver nanutok ng pellet gun sa traffic enforcer, arestado
MANILA, Philippines — Dahil sa panunutok ng pellet gun sa isang traffic enforcer, kalaboso ang isang tricycle driver matapos na madakip at maharang ng mga pulis sa kanyang pagtakas kamakalawa ng hapon sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon Police chief P/Col. Albert Barot ang suspek na si Roger Trabajales, ng Tolentino St. Tagaytay City, Cavite na nahaharap sa kasong Grave Threat in relation to R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal II at P/SSgt. Jeric Tindugan, nagmamando ng trapiko sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St. Brgy. Tinajeros si Ramir Maclang, 40, traffic enforcer ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) ng Malabon City nang mamataan nito ang tricycle ni Trabajales na walang nakalagay na sticker ng Malabon.
Sinita ni Maclang si Trabajales subalit tinutukan ng baril ng huli ang una. Sa pag-aakalang totoong baril ang nakatutuok sa kanya, umatras sa takot si Maclang na naging daan naman ng suspek upang tumakas.
Mabilis na pinaharurot ni Trabajales ang minamanehong tricycle subalit hinabol at sinundan siya ni Maclang. Pero pagsapit sa kanto ng Gov. Pascual Avenue at Valdez St. Brgy. Catmon, nakahingi ng tulong si Maclang sa nagpapatrolyang tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at narekober sa kanya ang pellet gun na may magazine.
- Latest