COVID-19 vaccination ng teenagers 'aarangkada sa pagtatapos ng 2021' — DOH
MANILA, Philippines — Bago magtapos ang taon, posibleng makakita na ng bakuna kontra COVID-19 sa kani-kanilang mga braso ang mga bata, pagtataya ng Department of Health (DOH).
Ibinahagi ito ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa katatapos lang na Laging Handa briefing matapos iekis ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pilot face-to-face classes ng Department of Education.
"Depende po sa dami ng makukuhang mga bakuna over the next few months, titingnan po kung maisasama na ‘yong mga child population," ani Cabotaje, Martes.
"Malamang end of the year and beginning of next year pa natin makikita kung babakunahan itong ating mga teenagers."
Matatandaang aprubado na ng Food and Drug Administration ang pagbibigay ng COVID-19 vaccines ng Pfizer-BioNTech sa mga batang edad 12-15 matapos maamyendahan ang kanilang emergency use authorization (EUA).
Kasalukuyang ibinibigay ang Pfizer vaccine para sa A1-A5 priority groups, bagay na binubuo ng healthcare workers, senior citizens, may comorbidities, essential workers at mga mahihirap.
Gayunpaman, hindi pa ito agad-agad maibigay sa mga menor de edad dahil sa kakulangan ng suplay ng naturang brand. Una nang sinabi ng Department of Health na nagpa-prioritize muna sila kung kanino nila ito ibibigay.
Umaasa ang Pilipinas ng karagdagang 7.5 milyong doses mula Pfizer sa ikatlong kwarto. 32.5 milyong doses naman ang madadagdag diyan pagdating sa ikaapat na kwarto, wika pa ng opisyal.
Una na ring sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bukas silang maibigay sa mga chikiting edad 3-17 ang Sinovac vaccine, matapos aprubahan ang ganyang EUA sa Tsina kamakailan.
Sa huling datos ng gobyerno nitong Linggo, umabot na sa 8.4 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang naituturok sa Pilipinas. Tanging 2,153,942 katao pa lang ang nakakukumpleto ng dalawang doses sa bansa.
- Latest