Patay sa COVID-19 sa Pilipinas 19,983 na; nahawaan umakyat sa 1.18 milyon
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 4,973 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Lunes, kung kaya nasa 1,184,706 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,184,706
- Nagpapagaling pa: 48,917, o 4.1% ng total infections
- Kagagaling lang: 6,666, dahilan para maging 115,806 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 39, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 19,983
Anong bago ngayong araw?
-
Namatay na rin noong Biyernes mula sa COVID-19 ang isang Filipino seaman na lulan ng MV Athens Bridge na tinamaan ng mas nakahahawang B.1.617 variant, bagay na unang nadiskubre mula India. Ito ang ibinalita ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong araw, habang 12 pa rin ang tinatamaan ng nasabing "Indian variant."
-
Maaaring magsimula na sa Hunyo ang pag-aaral ng Pilipinas pagdating sa paggamit ng magkaibang COVID-19 vaccine brands sa iisang tao, anunsyo ng Department of Science and Technology ngayong araw.
-
Lumundag naman na sa 54 katao ang nagpopositibo sa COVID-19 matapos aniya makilahok sa isang "pool party" sa Lungsod ng Quezon, ayon kay QC Mayor Joy Belmonte ngayong Lunes.
-
Nangangako naman ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipakukulong ang mga nasa likod ng "bentahan" ng COVID-19 vaccine slots, na siyang una nang naireklamo sa mga Lungsod ng Mandaluyong at San Juan.
-
Sa pag-aaral ng Social Weather Staions (SWS), lumalabas na 63% ng mga Pilipinas ang mas pipiliing magpaturok ng COVID-19 vaccines mula sa Estados kumpara sa mga yari sa ibang bansa. Gayunpaman, Sinovac mula sa Tsina ang "pinaka-prefer" na brand ng mga Pilipino sa 39%, bagay na sinusundan lang ng Pfizer-BioNTech na 32%.
-
Umabot na sa 166.34 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit 3.44 milyong katao.
— James Relativo
- Latest