Nagugutom na Pinoy dumami dahil sa pandemya
MANILA, Philippines — Dahil maraming nawalan ng trabaho dulot ng pandemya kaya tumaas ang kaso ng kakulangan ng pagkain sa bansa.
Base sa survey na ginagawa ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), lumalabas na anim sa bawat 10 Pinoy o 62.1% ng mga Filipino ang nakakaranas ng moderate o severe food insecurity o kakulangan sa pagkain.
Ang survey ay ginawa noong Nobyembre 3 hanggang Disyembre 3, kung saan lumalabas din na 71.7% ng households ang bumibili ng pagkain sa pamamagitan ng pangungutang habang ang 66.3% ay utang mula sa mga kamag-anak o kapitbahay.
Ayon pa sa survey, tumaas ang kakulangan sa pagkain sa pagitan ng Abril at Mayo noong nakaraang taon dahil sa pinapairal na enhanced community quarantine (ECQ) kung saan 5,717 household na may 7,240 indibidwal ang naapektuhan.
Kasabay nito nangako naman ang Malacañang na gagawa ng paraan para masiguro na sapat ang pagkain sa bansa.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, na bagama’t nalulungkot sila sa nasabing bilang ay kailangan pa rin ang nasabing survey ng DOST para malaman ang epekto ng problema dulot ng Covid-19.
Mayroon na umanong programa ang administrasyong Duterte para magbigay ng trabaho at kabuhayan sa mga Filipino.
- Latest