8K reklamo sa ayuda, tinanggap ng PACC
MANILA, Philippines — Aabot sa 8,000 reklamo buhat sa mahihirap na pamilya ang natanggap ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na may kaugnayan sa distribusyon ng mga lokal na pamahalaan sa ipinangakong P1,000 hanggang P4,000 ayuda.
“Very alarming po iyan... I hope po talaga iyong mga nakikinig sa atin ngayon will help each other, you know mga barangay are getting involved with this,” ayon kay PACC Chairman Greco Belgica sa isang public briefing.
Noong nakaraang taon, tumanggap ang PACC ng 9,000 reklamo ukol naman sa distribusyon ng ‘special amelioration package (SAP)” na nagkakahalaga ng P8,000 kada benepisyaryo.
Matatandaan na naglabas ang pamahalaan ng P22.9 bilyong pondo para mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap na mamamayan makaraang muling ibaba ang ‘enhanced community quarantine (ECQ)’. Ngunit makaraang matanggal na ang ECQ at nasa MECQ na ang NCR Plus, malaking bahagi pa rin ng pondo ang hindi naipamamahagi.
Unang ipinangako ng Malacañang na lahat ng bahay ay makatatanggap ng ayuda. Ngunit sa inilabas na panuntunan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), uunahin ang mga benepisyaryo ng 4Ps, SAP, at mga waitlisted. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ang gumawa ng listahan.
Karaniwan na reklamo ay ang hindi pagbibigay ng buong P4,000 sa isang pamilya na higit sa apat ang miyembro.
Sinabi ni Belgica na makikipagpulong sila sa DILG para maimbestigahan ang mga reklamo at magsampa ng mga kaso kung kinakailangan.
Samantala ayon sa DSWD, hanggang kahapon ay umabot na sa 3,999,239 benepisyaryo ang tumanggap ng ayuda sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
- Latest