Patay sa COVID-19 sa Pilipinas lumundag lagpas 15,100; bagong kaso 11,378
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 11,378 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Lunes, kung kaya nasa 876,225 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 876,225
- nagpapagaling pa: 157,451, o 18% ng total infections
- bagong recover: 267, dahilan para maging 703,625 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 204, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 15,149
Anong bago ngayong araw?
-
Tinukoy na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mga sektor na kasama sa mga susunod na pwedeng turukan ng COVID-19 vaccines matapos ang mga healthcare workers, senior citizens at may comorbodities. Pero ani NEDA Undersecretary Rose Edillon, posibleng Mayo o Hunyo pa maturukan ang mga nasabing "A4" sector na kinapapalooban ng mga economic sectors na madalas makasalamuha ng publiko.
-
Ibinahagi naman ng OCTA Research Group na naging "epektibo" ang pagpapatupad ng mas striktong enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus. Ani OCTA Research fellow Guido David sa panayam ng TeleRadyo, posibleng mapansin na ang dahan-dahang pagbaba ng COVID-19 cases sa Kamaynilaan at apat na katabing probinsya sa susunod na linggo. Gayunpaman, 'di pa pwedeng sabihing nagfa-"flatten na ang curve" ng infection sa ngayon.
-
Nanindigan naman si presidential spokesperson Harry Roque na "taken out of context" lang si China Centers for Disease Control director Gao Fu matapos lumabas ang mga balitang sinabi ng nauna na "hindi mataas ang protection rates" ng COVID-19 vaccines na galing Tsina.
-
Samantala, ibinahagi naman kanina ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na umabot na sa 67,000 "displaced tourism workers" ang nakatanggap ng P5,000 ayuda sa ilalim ng Bayanihan II habang patuloy na naaapektuhan ang sektor ng mga COVID-19 quarantine restrictions sa bansa.
-
Umaabot na sa halos 135 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, mahigit-kumulang 2.91 milyon na ang patay.
— James Relativo
- Latest