'Sige-vac': DOH, FDA aprub sa bakunang Sinovac para sa senior citizens
MANILA, Philippines — Okey na para sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang pagpapagamit ng bakunang CoronoVac ng Chinese drug maker na Sinovac para sa mga senior citizens.
Ang balita ay inilabas ng mga ahensya, Miyerkules, matapos ang "mahigpit" na pagsusuri sa Chinese drug, na una nang hindi inirekomenda ng FDA sa mga 60-anyos pataas at mga healthcare workers na exposed sa COVID-19.
"After considering the recommendation of the experts and the current situation of high COVID-19 transmission and limited available vaccines, the FDA is allowing the use of Sinovac on senior citizens," ani FDA director general Eric Domingo ngayong gabi.
"Vaccination should be preceded by an evaluation of the person's health status and exposure risk to assure that benefits of vaccination outweigh risks."
Una nang inirekomenda ng vaccine expert panel (VEP) ang paggamit nito sa mga nakatatanda, bagay na kinumpirma ni presidential spokesperson Harry Roque kanina.
Presidential Spokesperson Harry Roque confirms that the Vaccine Expert Panel (VEP) has recommended the use of Sinovac vaccine for the elderly/senior citizens.
— christina mendez (@xtinamen) April 7, 2021
Isyu ng bisa
Pebrero nang sabihin ni Domingo na nasa 65.3% (Indonesia) hanggang 91.2% (Turkey) ang efficacy rate ng CoronaVac pagdating sa mga "clinical healthy" na tao sa pagitan ng 18-59 taong-gulang, batay na rin sa interim data ng Phase 3 trials.
Gayunpaman, mas mababa ang efficacy rate nito kapag ginamit sa mga manggagawang pangkalusugan na exposed sa COVID-19 — nasa 50.4% lang.
"The vaccines shall be administered only by vaccination providers, and used only to prevent COVID-19 in clinically health individuals aged 18-59 years," ani Domingo halos dalawang buwan na ang nakalilipas.
Pero sabi ng DOH-FDA ngayong araw, kahit na "kulang-kulang" pa ang efficacy data para sa senior citizens mula sa Phase III trials, "mas matimbang" pa rin daw ang benepisyo nito kumpara sa mga posibleng negatibong epekto.
Una nang sinabi ng gobyerno na ginagamit na rin sa ibang mga bansa gaya ng Tsina at Turkey ang CoronaVac para sa kanilang mga senior citizens.
'Para mas maraming maturukan'
Wika pa ng DOH-FDA, ilan din daw sa mga kinunsidera nila pagdating sa bagong desisyon ay ang limitasyon sa mga bakuna at papalaking pangangailangan ng mga senior citizens na maprotektahan mula sa tumataas uling COVID-19 cases.
Dati, tanging AstraZeneca vaccines lang ang itinuturok sa mga tao edad 60-anyos pataas sa Pilipinas.
Sa huling ulat ng DOH, umabot na sa 819,164 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas ngayong araw. Patay na ang nasa 14,059 katao dahil sa virus. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Christina Mendez
- Latest