MANILA, Philippines — Kumpara sa mga ibang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), pinakanababahala ang mga Pilipino pagdating sa mga ginagawang panghihimasok ng Tsina sa nasasakupang katubigan ng ibang bansa sa loob ng South China Sea.
Ito ang resulta sa kalalabas lang na "State of Southeast Asia: 2021 Survey Report," bagay na ni-launch ng ISEAS-Yusof Ishak Institute ngayong Miyerkules.
Related Stories
Nagtala ng 86.6% ang Pilipinas pagdating sa pagkabahala sa panghihimasok ng Tsina sa mga exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf — pinakamataas sa lahat ng southeast Asian nations sa pag-aaral.
"The worry over Beijing’s maritime encroachments is felt more keenly among the Southeast Asian claimant states, namely the Philippines (86.6%), Vietnam (84.6%), Brunei (63.6%), and Malaysia (63.2%)," ayon sa study.
Number two naman ang Pilipinas (71.6%) sa Vietnam (76%) pagdating sa tindi ng concern sa Chinese "militarization" at pagmamatigas sa South China Sea.
The State of Southeast Asia: 2021 Survey Report is officially launched today! The report presents the findings of a region-wide online survey conducted among the policy, research, business, civil society, and media communities. Download it here: https://t.co/o1qdbudOva pic.twitter.com/8fhvfNbGVb
— ISEAS - Yusof Ishak Institute (@ISEAS) February 10, 2021
Patuloy pa rin ang presensya, pangingisda at pag-angkin ng mga Tsino sa ilang isla't katubigan sa West Philippine Sea hanggang ngayon, kahit na in-award na ng Permanent Court of Arbitration ang naturang EEZ sa Maynila noong 2016.
Ang West Philippine Sea ay matatagpuan sa loob ng South China Sea, isang katawang tubig na inaangkin ng maraming bansa dahil sa laki nito.
Kamakailan lang nang i-protesta ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang bagong coast guard law ng Bejing, bagay na nagbibigay "go signal" sa kanilang mga pwersa na paputukan ang mga banyagang vessels na nasa mga "territorial waters" nila.
Sa kabila niyan, kalakhan ng mga taga Timog Silangang Asya ang nababahala sa dalas ng presensya ng Estados Unidos sa lugar, habang pinakakampante ang Piliinas pagdating sa posibleng bakbakang militar ng Tsina at Amerika sa naturang rehiyon.
"Only 12.5% of the respondents register their worry over the US’ increased military presence in the area. This concern is more pronounced in Laos (37.5%), Cambodia (30.8%) and Brunei (24.2%) while Singapore (6.3%), Vietnam (4.6%) and the Philippines (4.5%) have little qualms about it," dagdag pa ng ISEAS study.
Nasa 100% naman ng mga Filipino respondents ang naniniwalang dapat magkaroon ng "principled stand" ang ASEAN para itaguyod ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), international law at pagrespeto sa 2016 arbitral ruling sa South China Sea.
Nilahukan ng nasa 1,032 respondents ang nasabing 2021 survey, kung saan karamihan ay Vietnamese (17%) at Singaporean (15.3%). Nasa 6.5% lang naman ang mga Pilpino riyan.
New AFP chief sa patuloy na banta ng Beijing
Kahapon lang nang irehistro ni Armed Forces of the Philippines chief-of-staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana na nakakaalarma ang bagong batas ng Tsina lalo na't hindi raw balak ng Pilipinas na makipagdigmaan.
"I should say it’s a very irresponsible statement because we, our countrymen, don’t go there to wage war, but to make a living," ayon kay Sobejana, habang idinidiin ang dami ng Pilipinong nangingisda sa West Philippine Sea.
"Our Navy’s presence there is not to wage war against China but to secure our own people."
Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na delikado ito lalo na't baka magsimula ito ng armadong tunggalian sa dagat, lalo na kung magkakaroon ng mga "miscalculations" at aksidente.
Nananawagan naman ngayon si Lorenzana na mag-ingat ang lahat ng bansang may claims sa South China Sea sa pagpapatupad ng kani-kanilang mga batas lalo na't malaki raw ang tiyansa na may mga madadamay mula rito.
Gayunpaman, wala naman daw dapat ikabahala ang mga mangingisdang naghahanap-buhay lang sa lugar lalo na't patuloy ang kanilang dayalogo sa mga claimant countries.
"I advise them to continue fishing in their traditional fishing grounds like Scarborough Shoal, Reed Bank and even Mischief Reef because those are the traditional fishing ground of Filipinos," wika ni Lorenzana.