2 milyong biyahero hindi nakauwi noong Pasko
MANILA, Philippines — Mahigit dalawang milyong pasahero ang hindi nakauwi sa kani-kanilang probinsya noong Pasko bunga diumano ng magkakaibang travel requirements ng mga local government units sa mga probinsya.
Dahil dito, nanawagan si Alex Yague, executive director of Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) kay DILG secretary Eduardo Año na magpalabas ng isang kautusan na magtatakda ng klarado at unipormadong listahan ng mga dokumentong kakailanganin ng isang biyahero para makapagbiyahe patungong mga probinsya.
Ayon kay Yague, nakatanggap sila ng mga reklamo mula sa kanilang mga pasahero na marami sa kanila ang pinabalik sa kani-kanilang mga bahay makaraang hindi makapagpakita ng mga dokumento o may kulang sa mga travel documents na dala-dala nila.
“Magkakaiba ang mga requirements ng mga LGU tulad sa Baguio na kinaila-ngan pa ang swab test results sa mga papasok sa siyudad samantalang PCR test naman sa iba o travel authority naman sa ibang mga probinsya.
“ Nakakalito at nakaka-awa naman sa mga biyaherong nagipon ng pera at naghanda para pag-uwi pero haharangin lamang dahil sa kawalan ng ibang dokumentong magpapakita na sila ay okey na makapasok sa isang probinsya,” ani Yague.
Naniniwala si Yague na isang direktiba lamang mula kay DILG secretary Año ang kailangan upang masolusyunan ang nasabing problema.
Mahalaga aniyang makapanumbalik na ang operasyon ng mga provincial buses upang mabuhay na rin ang lokal na ekonomiya at turismo. Karamihan sa mga negosyo sa mga probinsya ay nakakabit sa turismo.
Dahil dito, marami sa mga bus operators ang hindi bumibiyahe bunga diumano ng problemang ito. Taun-taon, mahigit apat hanggang limang milyong Pilipino ang umuuwi sa kani-kanilang probinsya upang mag-Pasko kapiling ang kani-kanilang mga mahal sa buhay kada Kapas-kuhan.
- Latest