‘Pandemya,’ napiling Salita ng Taon 2020
MANILA, Philippines — Ang salitang “pandemya“ ang hinirang na salita ng taon ngayong 2020 sa ginanap na “Sawikaan: Salita ng Taon Edisyong Pandemya” noong Sabado.
Naging batayan sa pagpili ng salita ngayong taon ang lalim ng pagkakasaliksik sa salita, paano ito naging makahulugan ngayong taon, at kung gaano ito kasikat o madalas na nagagamit hindi lang sa social media kundi sa mga nababasa, napapanood at sa personal na talakayan.
Dinepensahan ng mga kalahok nang virtual ang partikular na salita na kanilang isinali.
Ayon kay Prof. Zarina Joy Santos, ang nagprisinta para sa salitang “pandemya,” ang pandemya ang ugat ng lahat ng mga salitang isinali sa presentasyon, na ginawa sa pamamagitan ng webinar.
Ang “pandemya” ang pinakamalaking salita na may pinakamalalim na kahulugan at pinaka may kabuluhan, ayon kay Santos. Dagdag niya, napakalaki ng epekto nito sa buong mundo at lahat ng tao ay naapektuhan nito.
Hindi bago ang salitang pandemya pero marami umano ang hindi naging handa sa pagdating nito.
Socially at medically relevant din daw ang salita dahil sa pandemya umikot ang mundo ngayon at nagpahinto ng maraming bagay sa buhay ng tao hindi lang dito sa Pilipinas.
- Latest