Pangulong Marcos inutos wasakin P8.87 bilyong floating shabu

MANILA, Philippines — Inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagwasak sa P8.87 bilyong halaga ng floating shabu na nasabat ng mangingisda sa mga baybayin ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Cagayan.
Kahapon ay personal na ininspeksiyon ni Marcos sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Gymnasium, National Headquarters sa Quezon City ang mga sako-sakong droga.
Kasama ng Pangulo sina DILG Secretary Juanito Victor Remulla; Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Secretary Oscar Valenzuela; PNP Chief PGen. Nicolas Torre III at Secretary Eduardo Año, Head of the National Security Council (NSC).
Tiniyak naman ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez na sisirain ang mga sako ng shabu sa loob ng 24 oras sa Capas, Tarlac.
Ayon kay Nerez, ang 1,304.604 kilo ng shabu nagkakahalaga ng ?8,871,307,200 ay sisirain sa pamamagitan ng thermal decomposition.
Susunugin na rin ang 226.043 kilo ng shabu na may halagang P699 milyon na nakumpiska sa bisa ng court orders.
Dahil walang naarestong suspek at walang kasong kriminal na maisasampa kaugnay nito, ipinag-utos ng PDEA Director General ang pagsira sa droga sa pamamagitan ng written order.
Inatasan rin ng Pangulo ang PNP at PDEA na paigtingin ang kanilang surveillance at monitoring upang maiwasan ang smuggling sa mga baybayin.
- Latest