2019 SALN: Villar pinakamayaman pa ring sendor simula pa 2013
MANILA, Philippines — Muli na namang namayagpag bilang pinakamaperang senador si Sen. Cynthia Villar para sa taong 2019, patapos ilabas ang pinakabagong Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), Huwebes.
Ayon sa SALN ni Villar, lumalabas na halos P3.81 bilyon ang kanyang "assets." Wala siyang "liabilities" kung kaya't P3.81 bilyon din ang kanyang "net worth."
Breakdown ng SALN ng mga senador noong nakaraang taon. Pinakamataas ang net worth ni Sen. Cynthia Villar na aabot ng P3.8-B. Pinakamaliit naman ang kay Sen. Leila de Lima na nasa P8-M. | via @maeannelosbanos pic.twitter.com/xjzdX0hbaj
— News5 (@News5PH) October 29, 2020
Tumutukoy ang asset sa kabuuang ari-arian ng isang tao. Pumapatungkol naman ang liability sa mga utang habang net worth ang tawag sa matitira sa ari-arian kung iaawas ang mga pagkakautang.
Ang mambabatas, na lagpas kalahating dekada nang "richest senator," ay misis ni Manny Villar — ang pinakamayamang Pilipino ngayong 2020.
Basahin: Forbes: Manny Villar pinakamadatung pa rin sa Pilipinas ngayong 2020
Consistent si Villar sa pagiging pinakamayamang senador simula pa nang masungkit ang posisyon sa Mataas na Kapulungan noong 2013.
Noong 2016, matatandaang si Villar lang ang nag-iisang bilyonaryo sa Senado.
Sinundan naman siya ni "fighting senator" Manny Pacquiao na muling nasa no. 2 position gaya ng mga nagdaang taon.
Ang nag-iisang eight-division boxing champion sa mundo ay merong P3.52 bilyong asset sa ngayon habang merong halos P356.1 milyong pagkakautang.
Narito ang net worth ng 24 senador ng 18th Congress mula pinakamayaman hanggang pinakamahirap:
LOOK: The richest to poorest Senators based on their 2019 SALN. Sen Villar is still the richest with more than P3.8Billion asset w/ zero liability. Sen Pacquiao comes in at 2nd with P3.1B networth. @News5PH @onenewsph pic.twitter.com/lnjymeRjXC
— marie ann los banos (@maeannelosbanos) October 29, 2020
Gaya ng mga nakaraang taon, pinaka-"pobre" pa rin sa Senado si Sen. Leila de Lima, na nakakulong pa rin dahil sa mga kasong nag-uugnay sa kanya diumano sa iligal na droga.
Bagama't halos P9.3 milyon ang kanyang ari-arian, malaki-laki ang kanyang liabilities kumpara rito na nasa P930,523.
Dahil diyan, tanging P8.32 milyon na lang ang nalalabi sa kanyang net worth.
Duterte SALN hindi pa rin makita
Wala pa rin namang balita kung maglalabas ng kopya ng sariling SALN si Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagama't kampanya ni Duterte ang "kontra korapsyon," hindi pa rin niya inilalabas ang SALNs niya noong 2018 at 2019.
May kinalaman: DOJ-led task force to probe corruption in 'entire government'
Isang linggo na ang nakararaan nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na nasa Office of the Ombudsman na ang bola kung ilalabas nila ang SALN ng pinakamataas na gobyerno opisyal sa Pilipinas.
"We leave that to the Office of the Ombudsman which is a constitutional body tasked with implementation of our laws relating to public officers," ani Roque sa isang press briefing noong ika-19 ng Oktubre.
Setyembre nang limitahan ng Office of the Ombudsman ang access sa SALN ng mga opisyal, bagay na binabatikos ngayon dahil sa usapin ng transparency.
Basahin: Palace: Respect Ombudsman's decision limiting access to officials' wealth declarations
Si Digong ang unang presidente sa nakaraang tatlong dekada na hindi nagsasapubliko ng kanyang SALN. — may mga ulat mula kay News5/Marie Ann Los Baños
- Latest