DepEd 'wag kayong hugas-kamay sa student suicides — youth group
MANILA, Philippines — Binanatan ng militanteng grupo ng kabataan ang pagdistansya ng Department of Education sa serye ng pagkamatay ng ilan sa sektor ng edukasyon sa pagtutuloy ng mga klase sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Nababalita kasi nitong mga nagdaang araw ang diumano'y pagpapakamatay ng ilang estudyante at guro dahil sa problema ng "online classes" at modular learning — bagay na itinanggi ng DepEd nitong Martes.
Basahin: DepEd: Huwag iugnay ang student-teacher deaths sa 'distance learning'
Giit ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK, Miyerkules, umabot na sa 12 ang nagpapakamatay dahil sa mga kahirapan sa distance learning lalo na't hindi raw handa ang Pilipinas dito.
"Walang ibang dapat sisihin kung hindi ang DepEd... malinaw ang mga ebidensiya’t argumento na hindi handa ang bansa para dito," ika ni Justin Dizon, tagapagsalita ng SPARK para sa Basic Education.
"Ang bilang ng mga namamatay na estudyante ay lumobo mula sa [apat] hanggang sa 12, sa loob lamang ng [tatlong] linggo."
Ilan sa mga inirereklamo ng ilang kabataan, magulang at sektor ay ang mga problema sa internet connection, kamahalan ng gadgets para sa online classes atbp.
Kinontra naman 'yan ng DepEd at sinabing walang binabanggit ang mga pamilya ng biktima at imbestigador na may kinalaman ang deaths sa distance learning.
"Isang sensitibo at kumplikadong usapin ang suicide. Kaya naman, nais naming ipanawagan na itigil ang pagkonekta nito sa mga modyul o sa distance learning," sabi nila sa isang pahayag.
"Hinihiling namin sa publiko na igalang ang pribadong buhay ng pamilyang naiwan at gayundin ang pag-iwas sa mga kuro-kuro ukol sa sanhi ng pagkamatay ng kanilang kaanak."
We will continue to reach out to our teachers, staff, and learners to provide them with vital mental health and psychosocial services. We likewise request everyone to stay in touch and stay connected to our loved ones during these challenging times.
— DepEd (@DepEd_PH) October 20, 2020
Together, we shall overcome. pic.twitter.com/Zv6HxOtAXE
Binaggit nila 'yan kahit na aminado si DepEd public affairs service director June Arvin Gudoy nitong Setyembre na may kinalaman sa "distress dulot ng online online classes" ang pagkamatay ng isang 19-anyos na Grade 9 student sa Sto. Domingo, Albay kamakailan.
Pero patuloy ng DepEd central office, ginagamit lang ito ng ilang grupo para "siraan" ang pagsusumikap ng gobyerno na magpatuloy ang ligtas na pag-aaral ng mga bata sa gitna ng pandemya.
Pero paggigiit ni Dizon, hindi makakatulong na basta iisantabi ang mga insidente bilang "isolated cases."
'Mamamatay tao sila'
Dagdag pa ng SPARK, nakababahala na "pabata nang pabata" ang mga nilalamon ng depression at problema sa mental health simuila nang buksan ang mga klase nitong ika-5 ng Oktubre.
Ilan kasi sa mga nasawi ay maituturing na menor de edad pa.
"Bumaba na sa [11-anyos] ang mga sumusuko at nagpapakamatay, dahil sa sobra-sobrang presyur ng online classes. Hindi ba't sapat na ebidensiya na ang mga ito para patunayang palpak talaga ang muling pagbubukas ng klase online man at modular?" sambit pa ni Dizon.
"Mamamatay tao sila. Hindi lamang ininsulto ng DepEd ang kanilang alaala at binalewala ang hirap na dinaranas ng mas maraming kabataan ngayong pandemya sa kanilang paghuhugas kamay. Mananagot sila sa inutang nilang buhay."
Ipinapanawagan ngayon ng grupong SPARK ang kampanyang "academic freeze" hanggang Enero, para magkaroon aniya ng sapat na panahon upang asikasuhin ang krisis sa edukasyon at makapagpatupad ng mga reporma.
Dapat din aniya isulong bilang karapatan ang internet at mabigyan ng subsidiya pambili ng gadget at load ang mga guro't estudyante kung itutuloy ito kasabay ng pagsasapubliko ng telekomunikasyon sa bansa.
Kaiba ang kanilang panawagan sa mga militanteng kabataan ng pambansa-demokratikong Kaliwa, na nananawagan naman ng "ligtas na balik-eskwela" habang nasa gitna ng COVID-19 ang Pilipinas.
Sa ngayon, umabot na sa 360,775 ang namamatay sa COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Health. Sa bilang na 'yan, 6,690 na ang namamatay.
Maaaring maabot ang National Center for Mental Health crisis hotline sa numerong 0917-899 8727 o 989-8727.
— James Relativo
- Latest