^

Bansa

Manila Bay tourists na walang distancing 'patunay na tama' ang dolomite project, ani Roque

James Relativo - Philstar.com
Manila Bay tourists na walang distancing 'patunay na tama' ang dolomite project, ani Roque
Kuha ng mga turistang bumisita sa Manila Bay nitong weekend matapos buksan ang look na tinambakan ng durog na "dolomite," bagay na ginamit bilang synthetic white sand.
The STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines — Kahit hindi nasunod ang physical distancing kontra coronavirus disease (COVID-19) sa pagdayo ng mga turista, naninindigan ang Malacañang na walang mali sa pagbubukas ng "white sand" beach ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Manila Bay — 'yan ay kahit ginamitan ito ng milyun-milyong pisong crushed dolomite na itinuturong health hazard.

Weekend nang kumalat sa social media ang litrato ng mga siksikang tao na nag-uunahan sa nasabing look, bagay na ikinabahala ng Department of Health (DOH) dahil sa posibleng pasahan ng nakamamatay na virus.

Basahin: Lack of physical distancing among Manila Bay 'white sand beach' visitors alarms DOH

Pero depensa ni presidential spokesperson Harry Roque, hindi na sila nagulat lalo na't alam nilang magugustuhan ito ng taumbayan.

"Naiintindihan po natin 'yan dahil talagang 'yan naman po ay nagpapatunay na tama ang naging desisyon ng DENR at ng siyudad ng Maynila na lalo pang pagandahin ang Manila Bay," ani Roque sa isang press briefing, Lunes.

Una nang sinabi ni Roque na makatutulong ang white sand beach para mapaigi ang mental health ng taumbayan sa gitna ng pandemya, bagay na nabatikos nang marami.

Sa kabila niyan, nakikiusap ang Malacañang sa publiko na huwag magkumpol-kumpol at sumunod pa rin sa physical distancing habang ine-enjoy ang tanawin para hindi rin magkapasa-pasahan ng COVID-19.

Pinaalalahanan naman ni Roque ang Philippine National Police (PNP) na gampanan ang kanilang papel para mapanatiling magkakalayo ang mga bumibisita sa dalampasigan. Nasa isang metrong layo sa isa't isa ang recommended ng World Health Organization (WHO) kontra sa pandemya.

"Ang panawagan lang po namin sa taumbayan, the surest way po para po kayo ay magka-COVID, 'wag kayong mag-social distancing," patuloy ni Roque.

"Five minutes lang po per group [sa Manila Bay white sand beach]. 50 persons [at a time]."

Aniya, ito ay para mapagbigyan ang lahat na makakuha ng mga litrato, makapag-selfie at malasap ang simoy ng hangin habang natitiyak na ligtas ang kalusugan ng publiko: "Ang white beach naman po diyan is around 7,000 square meters... 'Wag na kayong mag-bathing suit diyan dahil baka lalong matagalan ang mga tao diyan," dagdag ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aabot sa P349 milyong halaga ang nagastos ng gobyerno para itransporma ang nanggigitatang Manila Bay, bagay na nakapagpakain na sana ng 80,000 gutom na pamilya, sabi ni Bise Presidente Leni Robredo.

Hirit naman ng ilang grupo gaya ng Pamalakaya at Kalikasan People's Network for the Environment, sana'y ginamit na lang sa pagtatayo ng bakawan (mangroves) ang halaga kung gusto talagang i-rehabilitate ang Manila Bay sa dati nitong ganda.

DOH: Nakakabahala ito

Hindi naman nagustuhan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga kumalat na eksena ng Manila Bay sa nakalipas na dalawang araw, wika niya sa mga reporters nitong umaga.

"Ito ay isang nakakabahalang sitwasyon. Alam nating lahat na di pa nawawala ang virus dito sa atin," sambit ng DOH official.

"Kailangan pa rin nating i-enforce ang minimum health standards. Kailangan nating mapalalahan ang ating mga kababayan na ito ay isang delikadong situation dahil maaaring magkaroon ng pagkakahawa-hawa ng mga mamamayan na pumupunta dyan na di pinapatupad nang maiigi ang minimum health standards."

Sinibak tuloy sa pwesto ang station commander ng Ermita na si Lt. Col. Ariel Caramoan, dahil sa kanyang kabiguan na maipatupad ang social distancing nitong weekend sa Manila Bay.

Ayon sa Joint Task Force COVID Shield kahapon, napigilan sana ni Caramoan ang quarantine protocol violations kung nagkaroon ng maagang pagpaplano at pagmamasid ng sitwasyon sa lugar.

Sa huling ulat ng DOH, Linggo, umabot na sa 286,743 ang nadadali ng COVID-19 sa Pilipinas simula nang pumasok ito mula sa Wuhan, China. Sa bilang na 'yan, 4,984 na ang patay. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico at ONE News

DEPARTMENT OF HEALTH

HARRY ROQUE

MANILA BAY

NOVEL CORONAVIRUS

PHYSICAL DISTANCING

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with