Small time pushers gagawing asset ng PNP vs drug lords
MANILA, Philippines — Naniniwala si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan na hindi dapat na patayin ang mga small time drug pusher at sa halip ay gamitin upang malambat ang mga bigtime o drug lords.
Ayon kay Cascolan, ang mga small time drug pushers ang nakakakilala sa kanilang mga supplier na daan upang maging matagumpay na ang PNP sa kanilang kampanya.
Sinabi ni Cascolan na mananatili ang kanyang kautusan na isalba ang mga small time pushers at papanagutin ang mga drug lords na patuloy na nangwawasak ng lipunan.
Samantala, pinabulaanan ni Cascolan na dumoble ang drug war killings sa panahon ng pandemya.
Nag-ugat ang naturang reaksyon sa inilabas na pahayag ng Human Rights Watch (HRW) na nadagdagan ng 50 porsyento ang mga nasawi sa war on drugs sa pagitan ng Abril hanggang Hulyo ngayong taon.
Binigyan diin ni Cascolan na nadagdagan lamang ng ilan ang bilang kung saan small time pusher ang nasasangkot.
Tiniyak pa ni Cascolan na tuluy-tuloy ang kanilang surveillance at operation laban sa small at bigtime drug pushers.
- Latest