^

Bansa

Holiday ng magnanakaw, mamamatay-tao?: 'Marcos Day' passage sa House binanatan

James Relativo - Philstar.com
Holiday ng magnanakaw, mamamatay-tao?: 'Marcos Day' passage sa House binanatan
Makikita si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa litratong ito habang nasa kalagitnaan ng kampanya noong 1969.
Litrato mula sa National Library of the Philippines

MANILA, Philippines — Hindi pinalagpas ng mga militanteng grupo ang pagpasa sa Kamara ng House Bill 7137, bagay na magbibigay pugay sa isang diktador sa hilagang bahagi ng Pilipinas kung tuluyang maisasabatas.

Kahapon kasi nang lumusot sa third and final reading ng House of Representatives ang "Marcos Holiday Bill," na magdedeklara sa ika-11 ng Setyembre bilang non-working holiday kasabay ng kapanganakan ni Ferdinand Marcos sa Ilocos Norte.

Umabot sa 198 ang mambabatas na pumabor sa panukala habang walo lamang ang pumalag dito, dahilan para mapag-usapan uli online kung ano ang ginampanan sa kasaysayan ni Marcos.

Basahin: Panukalang gawing 'holiday' ang kaarawan ni Marcos sa Ilocos Norte pasado sa Kamara

"Bakit natin ipagdiriwang ang kapanganakan ng isang diktador, pasista na may daan daang libong pinaslang na mamamayang Pilipino kabilang ang mga kabataan?" wika ng Kabataan party-list sa isang pahayag, Huwebes.

"Bakit natin ipagdiriwang ang kapanganakan ng isang magnanakaw na nagbulsa ng bilyones na pera ng bayan?"

Nakawan, patayan, kahirapan

Simula nang maitatag ang Presidential Commission on Good Government (PCGG), tinatayang nasa P170 bilyon na ng nakaw na yaman mula sa pamilya Marcos ang nare-recover ng gobyerno noong 2017.

Itinayo ang nasabing ahensya noong 1986 para bawiin mula sa pamilya ng yumaong diktador, kanyang mga kamag-anak at malalapit na tao sa Pilipinas at abroad ang kaban ng bayan na napasakamay ng mga pribadong kamay sa ilalim ni Marcos.

May kaugnayan: MONEY TRAIL: THE MARCOS BILLIONS

Bukod pa 'yan sa 70,000 kinulong, 34,000 na tinorture at 3,200 na sinasabing pinatay ng rehimen mula 1972 hanggang 1981, ayon sa Amnesty International

Noong 1960s, tinatayang nasa 42% ang poverty incidence sa Pilipinas nang umupo si Marcos. Sa pagtatapos ng kanyang termino, 59% ng Pilipino na ang mahihirap.

"Tila nakalimutan na ng 198 na kongresistang pumanig sa panukalang batas na ito ang daang daang tao na pinatay, inaresto, pinahirapan, at naging desaparecidos noong panahon ng Martial Law," dagdag ng mga militanteng kabataan.

"Ito ba ang gusto nating ituro sa ating mga kabataan? Gusto ba ng kongresong ito na baguhin ang kasaysayan?"

Oras na maipasa rin sa Senado at mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte — na kilalang kaalyado ng pamilya Marcos — kikilalanin na bilang "President Ferdinand Edralin Marcos Day" at September 11 taon-taon sa Ilocos Norte, at kikilalaning isang non-working holiday.

Tikom pa rin naman sa ngayon sina Sen. Imee Marcos at dating Sen. Bongbong Marcos, mga anak ni "Macoy" hinggil sa isyu.

Gayunpaman, ikinatuwa ito ng ilang loyalista ng pamilya Marcos, gaya na lang din ng kontrobersyal na abogadong si Larry Gadon.

"Ito ay nararapat lamang sapagkat si Ferdinand Marcos ay naging presidente ng Pilipinas, at nararapat lamang na ipagmalaki at ipagdiwang ng Ilocandia ito sapagkat [siya] ay ipinanaganak sa Ilocos Norte," ani Gadon sa panayam ng PSN.

'Atensyon dapat nasa COVID-19'

Para naman kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat kagabi, hindi napapanahon na ngayon pa inasikaso ng Kamara ang mga ganitong mga panukala lalo na't nasa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic ang Pilipinas.

"Ang HB 6848 para sa mass testing para makatulong sa pandemic ay nakabinbin pa rin sa komite pero itong bill na para sa isang diktador at kawatan ay nakalusot na agad sa 3rd reading para pabanguhin ang kanilang pangalan at irebisa ang kasaysayan," ani Cullamat.

Sa huling tala ng Department of Health, Miyerkules, pumalo na sa 226,440 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 3,623 na ang patay.

Maituturing din daw na pambabastos ito sa "hatol ng kasaysayan" at ng mga biktima sa yumaong presidente.

Dagdag pa ng mambabatas, hinding-hindi makakalimutan ng taumbayan ang ginawang "kahayupan" at "kalapastanganan" na ginawa ni Macoy.

BAYAN MUNA PARTY-LIST

FERDINAND MARCOS

HUMAN RIGHTS

KABATAAN PARTY-LIST

MARTIAL LAW

NON-WORKING HOLIDAY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with