'For the nth time': Duterte itinulak uli ang parusang bitay, lethal injection hiling
MANILA, Philippines — Sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA), muling binuhay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panawagan sa Kongresong maibalik ang parusang bitay, kahit kababanggit lang niya na susunod siya sa mga panuntunang itinakda ng karapatang pantao sa parehong talumpati.
"I reiterate the swift passage of a law reviving the death penalty by lethal injection, for crimes specified under the Comprehensive Dangerous [Drugs] Act of 2002," sabi ni Duterte, Lunes nang hapon.
"This law will not only help us deter criminality, but also save our children from the dangers posed by the illegal and dangerous drugs."
Sinabi itong lahat ni Duterte kahit nanindigan siya, sa parehong SONA speech, na "hindi tatakasan" ng gobyerno ang obligasyong ipaglaban ang karapatang pantao.
"Rest assured that we will not dodge our obligation to fight for human rights."
Dati nang inilulutang ni Duterte ang panunumbalik ng parusang bitay, tulad ng paggamit ng lubid, para "magtanda" aniya ang mga kriminal sa paglabag ng batas.
Ilang grupo na, gaya ng Amnesty International, ang una nang nagsasabing hindi garantiya ang death penalty sa pagbaba ng bilang ng krimen, bagay na posisyon din ni Bise Presidente Leni Robredo.
Pero ayon kay Digong, sadyang malala na raw ang problema ng mga drug syndicates sa bansa, bagay na kanya uling inihambing sa mga "narco-states" gaya ng Mehiko at Columbia.
"Someday, I will tell you the story, what happened to the Philippines... Sasabihin ko sa inyo ang totoo bakit nagkaganito 'yung droga ng Pilipinas," saad pa niya.
Gayunpaman, lalabag ang Pilipinas sa isang international agreement, ang "Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights, aiming at the abolition of the death penalty," kung maibabalik ang bitay sa Pilipinas.
Isa ang Pilipinas sa mga lumagda sa nasabing kasunduan noong ika-20 ng Setyembre 2006, bagay na niratipikahan din ng bansa taong 2007.
Pagpalag ng human rights groups
Kinastigo naman ng sari-saring human rights groups ang mga sabi-sabi ng pangulo, lalo na't tila kabalintunaan ito sa nauna niyang sinabi kanina na ipagtatanggol ang karapatang pantao.
"It is ironic that as Duterte declares that he will not dodge his rights obligations, he announced his intent to push for the reimposition of the death penalty through lethal injection in drug-related offenses — a move which violates the International Covenant on Civil and Political Rights," ayon kay Cristina Palabay, secretary general ng grupong Karapatan, sa panayam ng PSN.
Hindi rin nakatiis ang Commission on Human Rights (CHR) na sagutin ang mungkahi ni Duterte, at muling idiniin na hindi epektibo ang ganitong estratehiya.
Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia, naniniwala naman silang dapat mapanagot ang mga may sala, pero sana raw ay hindi sa kapinsalaan ng dignidad ng buhay: "[T]he call for justice should not result to further violations of human rights, especially the right to life."
Aniya, mas mainam na tignan sa komprehensibong pamamaraan ang pagtapos sa pagkalat ng droga at kriminalidad. Mas mainam daw na gamitin ang "restorative justice" kaysa magpataw lang nang magpataw ng parusang ikamamatay pa ng iba.
Sabi naman ni Chel Diokno, kilalang human rights lawyer, luging-lugi naman ang mga pobre kapag naibalik ang bitay. Sa ngayon kasi, tila may pinapaboran pa ang sistema ng katarungan sa Pilipinas.
"Ang problema, hindi patas ang batas sa atin. Yung maliit na tao, kulong agad, tapos basta big-time at may kapit, siguradong lusot," sabi niya sa isang tweet.
"Anong ikabubuti ng death penalty sa ganitong sistema?"
Related video:
- Latest