Kaliwa, komunista 'mga terorista' ani Duterte matapos lagdaan ang anti-terror law
MANILA, Philippines — Sa gitna ng kanyang pagtatalumpati kaugnay ng coronavirus disease (COVID-19), muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kaliwa at mga rebeldeng komunista habang sinasabing kailangan ang Anti-Terrorism Law para tugisin sila.
'Yan ay kahit ilang beses nang sinasabi ng mga mambabatas, Palasyo at Gabinete na hindi target ng kontrobersyal na Republic Act 11479 ang mga kritiko ng gobyerno.
Basahin: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?
"Ito kasing mga left pati itong komunista, they think that we are always thinking of them. I don’t... They would like to be treated with another set of law. When as a matter of fact, they are terrorist," wika ni Digong, Miyerkules nang madaling araw.
"They are terrorist because we — I finally declared them to be one. Why? Because we — I spent most of my days as a President trying to figure out and connect with them on how we can arrive at a peaceful solution."
Ligal ang Communist Party of the Philippines sa ilalim ng Republic Act 7636. Hindi rin kasama sa listahan ng terrorist organizations ang New People's Army kung pagbabatayan ang United Nations.
Paliwanag pa ni Duterte, kailangan ngayon ng mga "much-needed legal weapons" para labanan ang terorismo, lalo na sa Mindanao.
Gayunpaman, tiyak naman daw ng pangulo na hahamunin ang konstitusyonalidad ng Anti-Terrorism Act of 2020 sa Korte Suprema, bagay na nababatikos dahil sa sari-saring probisyon.
Sa ilalim ng batas, na magiging epektibo sa ika-19 ng Hulyo, pwedeng ikulong nang hanggang 24 araw ang isang terrorist suspect kahit na walang pormal na kaso sa korte. Kahit na batas militar at suspendido ang writ of habeas corpus, pinalalaya ang mga akusado sa loob ng tatlong araw kung hindi makakasuhan.
Bibigyan din ng bagong batas ng kapangyarihan ang Anti-Terrorism Council ng kapangyarihang magdeklara ng isang tao o grupo bilang mga terorista, kahit na korte ang nagdedesisyon dito noon.
Dahil diyan, sinasabi ng ilang grupo gaya ng Integrated Bar of the Philippines at iba pang mga abogado na labag sa 1987 Constitution ang batas. Inaagawan daw kasi ng ATC, na bahagi ng ehekutibo, ng trabaho ang hudikatura.
"Wala namang gustong may giyera eh. Ako ayaw ko, lalo na ako. Kilala ko sila, kilala ako and it was a good rapport while it lasted," dagdag pa niya.
"And for the law-abiding citizen of this country, I am addressing you with all sincerity: Huwag ho kayong matakot kung hindi ka terorista. Kung hindi ka naman sisirain mo ang gobyerno, pasabugin mo ang simbahan, pasabugin mo iyong public utilities, pasabugin mo iyong… Well, just to derail para matumba na tuloy ang bayan."
Dating aktibista. bukas sa CPP at armado nitong grupong New People's Army (NPA) si Duterte, hanggang sa mangasim ang kanilang relasyunan nang manalo bilang presidente. Binatatikos din ng mga naturang grupo bilang "pasista" ang presidente dahil sa estilo ng kanyang pamumuno at pagharap sa mga bumabatikos sa kanyang mga polisiya.
Abril nang pagbantaan ni Duterte ang ligal na Kaliwa na "magtago" oras na magpatupad siya ng mala-martial law na kaayusan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
CPP-NPA: Hindi kami terorista
Lunes lang nang sabihin ni Marco Valbuena, chief information officer ng CPP, na hindi terorista ang kanilang "rebolusyonaryong" grupo.
"The Party and the NPA have repeatedly declared they are not terrorists. The CPP and NPA are revolutionary organizations that uphold and pursue the Filipino people’s aspiration for national freedom and social justice," wika ni Valbuena.
"Terrorism is anathema to the revolutionary principles of the CPP."
Ito ang kanilang sinabi matapos ilathala sa state-run Philippine News Agency (PNA) na designated terrorist organizations ang CPP-NPA ng Estados Unidos, European Union, united Kingdom, Australia Canada, New Zealand at Pilipinas.
Gayunpaman, gawa-gawa raw ang mga claims na 'yan sa pagka't hindi naman daw kasama ang mga nasabing komunista sa ilang bansang nabanggit ng Malacañang-mouthpiece.
"It should be pointed out that the CPP and NPA are also not included in the most recent updated list of 'designated terrorists' of Australia, Canada or the United Kingdom, contrary to the repeated claims of the PNA," dagdag pa ni valbuena.
Wala rin sa United national Security Council Consolidated List ang mga nasabing grupo, na nagtatakda sa 710 katao at 305 bilang terorista.
Tanging Abu Sayyaf Group, Rajah Solaiman Movement at 13 nilang kasapakat sa Pilipinas daw ang kasama sa listahan ng UN.
Taong 1969 nang itatag ng CPP ang armadong hukbo nito na NPA, na naglalayong agawin ang pampulitikang kapangyarihan sa gobyerno kasabay ng pagpapabagsak sa "imperyalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo."
Kilala ring nagsasagawa ng usapang pangkapayapaan sa gobyerno ang kanilang umbrella organization na National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Gayunpaman, nilusaw ni Duterte ang pakikipag-usap sa mga Marxista noong Marso 2019.
- Latest