Viral social media personality na si Francis Leo Marcos arestado
MANILA, Philippines (Updated 3:12 p.m.) — Nasakote ng cybercrime division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyante't social media personality na si Francis Leo Marcos, ayon sa mga ulat na lumabas, Martes.
Hinuli ng NBI si Marcos kaugnay ng kasong inihain sa Baguio City dahil sa paglabag diumano sa Republic Act 8050, o Optometry Law, ayon sa ulat ng dzBB.
"Kaninang umaga, sa Quezon City [hinuli]. Doon sa office-bahay niya... marami siyang kaso," sabi ni NBI Cybercrime Division chief Vic Lorenzo sa mga reporter.
"[N]agdi-distribute siya ng mga eyeglasses without the approval and permission coming from the Philippine Association of Optometry."
Bineberipika pa naman daw ni Lorenzo sa Maynila ang reklamo kay Marcos kaugnay naman ng "qualified human trafficking," habang may reklamo kaugnay ng karahasan sa kababaihan.
Kasalukuyan din daw iniimbestigahan ang suspek sa iba't ibang unit ng NBI.
"Tsaka may mga estafa cases siya doon na finile against him," dagdag pa ng hepe.
Limang oras bago isulat ang balitang ito nang ipangalandakan pa ni Marcos ang ipinamigay na sandamakmak na suplay ng pagkain sa isang Facebook Live.
"'Yan po 'yang bigas na ipamimigay natin para sa bayan ng Nueva Ecija... Bulacan, Bulacan, Camiling, Tarlac at para ho sa Bicol region," sabi niya sa live stream, Martes.
"Pagkakasyahin ho natin. Bale ang total ho na distribution natin ay 1,070 sacks today, at 50 tonelada ng kalabasa."
Ang convicted scammer at pugante naman na si Xian Gaza, hindi rin napigilang magsalita sa pagkakaaresto ni Marcos at napasabi na lang nang: "NYEEEAAAAAM" sa comment section ng ABS-CBN.
Nakatira sa Baguio, chief executive officer (CEO) at chairman ng "Marcos Group of Companies" si Francis Leo. — — James Relativo at may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
Antabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito.
- Latest