^

Bansa

Niratsadang 'emergency powers' ni Duterte kinastigo ng ilang grupo

James Relativo - Philstar.com
Niratsadang 'emergency powers' ni Duterte kinastigo ng ilang grupo
Dini-disinfect ang ilang motoristang dumaraan sa hangganan ng Rosales at Balungao sa Pangasinan, ika-24 ng Marso, 2020, habang binabantayan ng mga pulis matapos ibaba ang "extreme enhanced community quarantine" sa buong probinsya.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Binanatan ng ilang grupo ang mabilis na paglusot ng Kamara at Senado sa "emergency powers" ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Lunes kasi ng gabi nang agad na maipasa sa huli at ikatlong pagdinig ng parehong sangay ng Konggreso ang paggawad ng nasabing standby powers ni Duterte sa pamamagitan ng "Bayanihan to Heal As One Act."

"Hindi natin mapagkakatiwalaan ang rehimeng ito sa napaka-broad at vague emergency powers na prone sa abuso at misuse," sabi ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago  sa Inggles habang ipinaliliwanag ang pagtutol nila sa panukala kagabi.

"Ang kailangan ngayon ng taumbayan ay emergency actions, hindi emergency powers."

Ilan sa mga ibibigay na kapangyarihan sa pangulo ay ang pagre-"realign," pagre-reallocate" at pagre-"reprogram" ng ehekutibo sa P275 bilyon ng 2020 national budget, kahit na lehislatura ang may "power of the purse."

Pwede na ring kumuha ng mga kagamitan ang gobyerno laban sa COVID-19 kahit na hindi ito sumusunod sa "Government Procurement Reform Act," na nagsisiguradong transparent, may nangyayaring bidding at hindi lugi ang gobyerno.

Bibigyan din ng kapangyarihan si Duterte na i-takeover ang ilang pribadong establisyamento gaya ng pribadong ospital, hotel at iba pa sa oras ng kagipitan.

'May kapangyarihan na'

Ayon naman sa National Union of Students of the Philippines, "power-hungry move" ito at labis na nakikinabang sa panic ng tao para makonsentra kay Duterte ang kapangyarihan.

"Simula nang magsimula ang termino niya, walang nagawa si Duterte kung hindi ilagay sa mali ang pondo ng bayan, mangurakot, pabayaan ang serbisyong panlipunan at balewalain ang karapatang pantao," ng NUSP.

Opisina ni Duterte ang may pinakamalaking confidential at intelligence funds, habang binabaan naman P4 bilyon ang pondo para sa Calamity Fund — na kasalukuyang nasa P16 bilyon.

Enero lang din nang sabihin ng isang Forbes columnist na ibinabaon ni Duterte ang Pilipinas sa mas malakabg korapsyon habang binabawasan ang pagiging demokratiko ng bansa.

"May supermajority siya sa Kamara at Senado, siya ang nagtalaga ng chief justice. Hindi kulang ang kapangyarihan ni Duterte; wala lang siyang pakialam sa kalusugan at lagay ng mga Pilipino," saad pa ng NUSP.

Parang martial law?

Samantala, inihalintulad naman ng Communist Party of the Philippines ang pagraratsada sa panibagobng powers sa batas militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, na nag-sequester din ng ari-araiang pribado para diumano sa kanyang sariling kapakinabangan.

"Kung mapatutupad, bibigyan.. si Duterte ng kapangyarihang kamukha ng meron si Marcos noong nagdeklara siya ng martial law noong 1972... [gagamitin ang] pulis at militar para maipilit ang diktador na kagustuhan," ayon sa CPP sa Inggles.

Lalo lang daw nagkakaroon ng butas para maging korap ang gobyerno habang kulang-kulang ang tulong medikal.

Giit pa ng mga komunista, na pinag-iisipang magpatupad ng unilateral ceasfire habang kumakalat ang COVID-19, ginagamit lang ni Digong ang public health emergency upang mapaghigpit ang kapit sa kapangyarihan.

"Kaysa palakasin ang public health infrastructure at mobilisahin ang health personnel, inilagay niya ang Luzon sa military lockdown at binigyab ang pulis at militar ng dagdag kapangyarihan para lalong maghigpit sa tao," wika pa ng CPP.

Kasalukuyang nagpapatupad ng enhanced community quarantine si Duterte sa hilagang bahagi ng kapuluan, na naghihigpit sa paglabas ng bahay at nagsuspindi sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon.

'Hindi maaabuso'

Sa kabila ng mga agam-agam sa ipatutupad na batas, tiniyak naman ni Deputy Speaker LRay Villafuerte at ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap na hindi naman basta-basta kukunin ang mga pribadong enterprises kapag naibigay kay Duterte ang nasabing powers.

"Sisiguraduhin naming hindi malalabag ang 1987 Constitution. Naniniwala kaming constitutionally sound ang panukalang ito," ani Villafuerte, at sinabing ipatutupad lang ito bilang worse-case scenario.

"Ibabalik naman 'yan [ang pasilidad] sa kanila [mga may-ari] pagkatapos ng krisis."

Sa ngayon, mayroong P275 billion na available funds — P200 billion dito ay ilalan para sa dalawang buwang quarantine para sa mga pinakaabang sektor, na nangangahulugan ng P8,000 kada pamilya.

Tinatayang 18 milyong kabahayan ang makikinabang cash grants at hazard pay.

Ilalaan naman daw ang natitirang P75 bilyon sa kalusugan at iba pang sebisyo.

Pagdating sa paghahalintulad nito sa batas militar, sinabi naman nina Villafuerte at Anakalusugan party-list rep. Mike Defensor na walang dapat ipag-alala dahil wala naman daw naitalang human rights violations nang ipatupad ang dalawang taong martial law sa Mindanao.

Sabi naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea, gusto lang ng administrasyon na maging equipped para lalong mapaglingkuran ang taumbayan sa pinakamabilis na paraan.

"Walang intensyon ang Presidente at kanyang administrasyon na gamitin ang mga pakangyarihang ito para sa sariling kapakanan ngunit para sa adbentahe ng publiko," wika niya sa mga mambabatas. — may mga ulat mula kina The STAR/Delon Porcalla at Paolo Romero

COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES

EMERGENCY POWERS

NOVEL CORONAVIRUS

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with