'Non-essential businesses' na mag-ooperate pa rin sapilitang isasara dahil sa COVID-19
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government ang mga negosyong hindi naman nagbibigay ng serbisyong kailangan ng lahat na 'wag nang tangkaing magbukas pa habang umiiral ang "enhanced community quarantine" na itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng CNN Philippines, sinabi ni DILG spokesprson Jonathan Malaya na 'wag nang papasukin ng mga naturang negosyo ang kani-kanilang mga empleyado sa dahilang baka magkahawaan pa ng coronavirus disease (COVID-19).
"'Wag na pong papasukin ang ating mga empleyado dahil kapag nag-ikot ang ating kapulisan nakitang nakabukas, ifo-force close natin ang business," sabi ni Malaya sa magkahalong Inggles at Filipino.
"[M]aliban na lang po if they are critical government structure, kung pharmacy sila, bangko, ospital, klinika, o kahit na anong may kinalaman sa paggawa ng gamot at pagkain. Kapag restaurant, sarado po iyan."
Kasama rin sa mga papayagang bukas ang mga:
- palengke
- supermarket
- grocery
- convenience store
- food delivery services water-refilling stations , power energy
- telecommunications supplies and facilities
Umabot na sa 142 ang kumpirmadong tinatamaan ng sakit simula nang pumasok ang virus sa Pilipinas, habang 12 na sa kanila ang namamatay.
Kasalukuyang nasa ospital pa rin ang 120 sa kanila, habang tatlo na ang gumagaling, ayon sa Department of Health.
Lunes nang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Luzon sa enhanced community quarantine, sa layong makontrol ang COVID-19.
Idinidiin nito ang striktong home quarantine, pagsuspindi ng transportasyon, pagreregula sa pagbibigay ng pagbibigay ng pagkain at health services at lalong paglaganap ng uniformed personnel.
Maaari lang lumabas ng bahay ang mga residente para makakuha ng mga batayang pangangailangan.
Klinaro naman ng DILG na essential workforce lang mula sa gobyerno ang kinakailangang pumasok. Maaari naman daw na "skeletal force" lang ang mga responders, disaster at emergency units.
"Lahat ng iba, kailangang umuwi ng bahay," dagdag niya.
Kasalukuyan namang naka-work from home ang mga nagtratrabaho sa ehekutibo.
BPOs pwede pero...
Sa kabila nito, pinalulusot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng mga "export oriented industries" at "business process outsourcing companies," dahilan para hindi sila basta-basta madamay sa sapilitang pagsasara.
Pero pinaalala ng DILG na may ilan silang kailangang gawin para patuloy na mag-operate.
"Yung BPOs, exempted lang sila kung kaya nilang magbigay ng pansamantalang matitirhan [sa mga empleyado], iyan lang ang exemption," sabi ni Malaya.
"Papayagan namin sila basta't nasa iisang lugar lang sila at may social distancing at ipinatutupad sa trabaho."
Bahala na rin daw ang mga opisinang gumawa ng kani-kanilang arrangements upang hindi na sila bumiyahe pa.
'Huwag singilin ng renta'
Samantala, nanawagan naman ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga nagpapaupang commercial establishment na huwag nang singilin ang mga nagsarang negosyo dahil sa enhanced community quarantine.
"[U]maapela ang City Government of Manila sa lahat ng nagpapaupa ng commercial establishments sa Lungsod ng Maynila na ipinasara habang nasa isang [1] buwang General Community Quarantine para i-wave na ang mga rental fees at singilin," wika ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.
"Buong kababaang loob at taos-puso po akong nakikiusap at umaasa sa inyong pang-unawa."
Wika ni Domagoso, layunin niyang mapagaan ang krisis na kinaharap ng marami sa Maynila dulot ng quarantine. — may mga ulat mula sa News5
- Latest