^

Bansa

Estudyanteng magmo-mall, sine pauuwin ng PNP dahil sa COVID-19 threat

James Relativo - Philstar.com
Estudyanteng magmo-mall, sine pauuwin ng PNP dahil sa COVID-19 threat
"Magsisilbing 'truant officers' ang mga pulis at barangay officials para siguruhing nasa bahay lang ang mga bata," ani DILG Secretary Eduardo Año.
The STAR, File

MANILA, Philippines — Bilang parte ng pagsusumikap laban sa banta ng coronavirus disease (COVID-19), inutusan ng Department of the Interior and Local Government ang mga lokal na gobyerno at Philippine National Police na huwag palapitin ang mga kabataang estudyante mula sa mga matataong lugar.

Kabilang sa mga lugar na ipagbabawal sa mga estudyante ang mga mall, sinehan, palengke at iba pang matataong lugar.

Inilabas ni DILG Secretary Eduardo Año ang direktiba matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon ng klase hanggang Sabado, ika-14 ng Marso, sa buong Kamaynilaan.

"Inutusan ng presidente ang lahat ng local officials sa NCR, mula alkalde hanggang punong baranggay, pati ang mga unit ng [PNP] para siguruhing walang batang makikitang pagala-gala, at kapag nahuli, pauuwiin sila agad para gumawa ng takdang-aralin," ani Año sa Inggles.

Kasalukuyang nasa 24 ang positibong tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas habang isa pa rin ang patay, ayon sa pinakahuling anunsyo ng Department of Health kagabi.

Kahapon, sinasabing nasa 110,187 na ang nahahawaan nito sa buong mundo habang 3,840 na ang namamatay dahil sa sakit — karamihan mula sa Tsina, na pinagmulan ng virus.

Humihingi naman si Año ng kooperasyon mula sa mga magulang upang disiplinahin at bantayan ang kani-kanilang mga anak upang tiyaking nasa bahay lang sila't nag-aaral.

Sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kagabi sa Malacañang, tiniyak ng Department of Health na mabibigyan ng homework o "performance task" ang lahat ng mag-aaral para mapanatili silang abala habang wala pang pasok.

Aniya, magiging walang-saysay daw ang pagsususpinde ng klase kung papayagan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lumabas-labas.

"Magsisilbing 'truant officers' ang mga pulis at barangay officials para siguruhing nasa bahay lang ang mga bata," dagdag pa ng kalihim.

Inatasan na rin daw ang lahat ng alkalde sa Kamaynilaan upang utusan ang kani-kanilang chief of police para ipatupad ang presidential directive.

Sa ilalim ng "state of public health emergency" na idineklara ni Duterte, maaaring magpatulong ang DOH sa PNP at iba pang law enforcement agencies kontra sa nakamamatay na COVID-19.

Inirekomenda ng DOH Expert Advisory Group sa presidente ang ang suspensyon ng klase at "mass gatherings" ngayong linggo para mapababa ang bilang ng mga taong maaaring ma-expose sa virus, mapababa ang pagkakahawa kada contact at para mapababa ang "average viral load."

Ligal ba? Estudyante lang?

Samantala, kwinestyon naman ng ilang sektor ang aksyong ito ng DILG.

Ayon kay Renato Reyes Jr., secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan, hindi nila alam kung may kapangyarihan ang DILG at PNP na limitahan ang paggalaw ng lahat ng estudyante. Kailangan daw malinaw ang parameters at ligal na batayan nito.

"Oo, concerned tayo sa kalusugan ng ating mga anak, at nasa bahay sila habang break. Pero bakit may blanket policy?" wika pa niya.

Samantala, sinabi naman ng National Union of Students of the Philippines na hindi lang mga mag-aaaral ang nailalagay sa panganib sa ngayon.

"Gusto lang naming idiin... na hindi lang estudyante ang bulnerable sa sakit. Dapat tumugon ang gobyerno sa mga idinadaing ng mga sektor kasama na ng mga manggagawa," banggit ng NUSP.

Pinaalalahanan din ng grupo, na pinakamalawak na alyansa ng mga student councils sa Pilipinas, na sana'y hindi ito gamitin para sikilin ang karapatang mag-protesta lalo na't walang espisipikong hangganan ang order laban sa "mass gatherings."

Bilang tugon sa pagdami ng mga kaso, hiniling din ng NUSP na magbigay na ng mga libreng test kits para sa lahat upang maging accessible ang serbisyong pangkalusugan sa lahat.

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN

EDUARDO ANO

NATIONAL UNION OF STUDENTS OF THE PHILIPPINES

NOVEL CORONAVIRUS

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with