^

Bansa

Cardema ekis bilang Duterte Youth rep, rehistrasyon ng grupo pagpapasyahan pa

James Relativo - Philstar.com
Cardema ekis bilang Duterte Youth rep, rehistrasyon ng grupo pagpapasyahan pa
Samantala, sinabi pa ng Comelec na ireresolba pa nila kung tuluyan na nilang ikakansela ang registration ng naturang right-wing party-list.
Released/National Youth Commission, File

MANILA, Philippines — Kinatigan ng Commission on Elections ang dati nang desisyon ng kanilang First Division na huwag paupuin si dating National Youth Commission chair Ronald Cardema bilang kinatawan ng Duterte Youth party-list.

Miyerkules nang gabi nang ilabas ng Comelec ang pahayag matapos gumawa ng "material misrepresentation" ni Cardema pagdating sa kanyang kwalipikasyon, sabi sa ulat ng CNN Philippines.

Sa ilalim ng Section 9 party-list law, o Republic Act 7941, sinasabing hindi dapat lalagpas sa 30-anyos sa araw ng eleksyon ang mga nais maging representate ng sektor ng kabataan:

"In case of a nominee of the youth sector, he must at least be twenty-five (25) but not more than thirty (30) years of age on the day of the election. Any youth sectoral representative who attains the age of thirty during his term shall be allowed to continue until the expiration of his term."

Si Cardema ay 34-anyos na.

Kinumpirma naman ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na diskwalipikado na si Cardema.

"@COMELEC En Banc decision: Diskwalipikado si Ronald Cardema bilang nominado ng Duterte Youth ; masyado na siyang matanda," sabi niya sa Inggles, Huwebes.

Una nang pinalusot ni Cardema na hindi siya sakop ng rekisitos na 'yan dahil "youth and professional sector" daw ang kinakatawan ng Duterte Youth.

Sa kabila niyan, sinopla siya ng Comelec at isinapinal na youth sector ang kinakabilangan ng Duterte Youth.

Kanselasyon ng rehistro

Samantala, sinabi pa ng Comelec na ireresolba pa nila kung tuluyan na nilang ikakansela ang registration ng naturang right-wing party-list.

"Bagama't isinasara na ng Comelec ang isyu ni G. Cardema, may pending pa kaming petisyon na naglalayong kanselahin ang rehistro ng Duterte Youth sa dahil sa kanilang mga pagsisinungaling kaugnay ng RA 7941," sabi pa ng komisyon.

Matatandaang nanalo ng isang seat sa Kamara ang kanilang partido, na kumakalaban sa maka-Kaliwang Kabataan party-list.

Ilan pa sa mga isyung kinakaharap nila ay ang diumano'y paggamit ni Cardema sa NYC, na instrumento ng gobyerno, para ikampanya ang grupo sa eleksyon.

Matatandaang sabay-sabay na umatras sa pagtakbo ang limang nominado ng Duterte Youth para biglaang maging no. 1 nominee si Cardema.

Si Ducielle Marie Suarez, na misis ni Cardema, ang orihinal na first nominee ng grupo.

Reporma sa sistema

Bagama't tanggal na sa eksena si Cardema, ipinaalala naman ang ilang grupo na hindi pa natatapos ang pakikibaka para ireporma ang sistema ng party-list.

"Ngayong malaya na ang bansa mula sa pailalim na taktika ni Cardema, nananatili ang hamon sa Comelec at iba pang kaakulang korte na aksyunan ang mga nakabinbin pang reklamo laban sa Duterte Youth party-list," sabi ng Kontra Daya.

"Ginamit pa ni Cardema ang posisyon bilang dating chair ng [NYC] para ikampanya ang sariling party-list group habang nire-redbait ang Makabayan bloc, partikular ang Kabataan party-list."

Dapat din daw na magtulungan ang Kamara at Comelec kasama ng mga election watchdogs para seryosong masilip ang party-list law upang hindi na maulit ang ginawa ng Duterte Youth.

Ilan sa mga inihahaing mungkahi ng Kontra Daya ay ang sumusunod:

  • dapat idiskwalipika ang mga nakaupong opisyal at kanilang mga kamag-anak bilang mga nominado
  • hindi dapat hayaan ang mga political clans at malalaking negosyo na manghimasok sa party-list groups sa paraang pagpopondo at pagtakbo mismo
  • dapat patawan ng "one-year ban" ang mga natalong party-list nominees bago italaga sa mga posisyon ng gobyerno
  • dapat totoong nanggaling sa naaapi at underrepresented na sektor ang mga nominado, hindi galing sa mayayaman at makapangyarihan

Umaasa ang grupo nina propesor Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, na dapat maplantsa ang mga isyu upang masigurong "naririnig ang boses ng mga walang boses sa Kamara."

COMMISSION ON ELECTIONS

DUTERTE YOUTH

RONALD CARDEMA

ROWENA GUANZON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with