Usok mula Bulkang Taal kumapal; Inilabas na asupre, volcanic earthquakes dumami
MANILA, Philippines — Dumami ang inilalabas na usok ng Bulkang Taal, maliban sa ibang volcanic activity nito, pagkukumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, Biyernes.
Paliwanag ni Ma. Antonio Bornas, hepe ng volcano monitoring and eruption prediction division ng Phivolcs, normal ito ngunit patuloy nilang binabantayan.
"Ngayon 'yung steam, ito po ay mula sa ground water, or sa tubig ng lawa ng sumisipsip sa ilalim ng lupa sa bulkan lalo na't nagkakaroon tayo ng fissuring (mga bitak). At ito po ay nalilikha bilang steam sa ibabaw ng magma, dahil napakainit po nito at ibinubuga," paliwanag ni Bornas.
"Ngayon po ay mas masigabo na ang steam dahil baka nawala na 'yung bara, o 'yung pagtigas ng ibang mga magma (tunaw na bato sa ilalim ng lupa)... [kaya] nakakalabas na ang steam at asupre (sulfur dioxide) ngayon."
Sa 8:00 a.m. Taal Volcano bulletin ng Phivolcs, sinabi na mahina hanggang katamtaman pa rin ang paglalabas ng steam-laden plumes, na aabot ng mula 50 hanggang 500 metrong taas mula sa pinakabunganga ng bulkan.
Tumaas din ang inilalabas na asupre ng bulkan, mula 141 tonelada kada araw patungong 224 tonelada.
Sa nakaraang 24 oras, sinabi rin ng Taal Volcano Network ngayong Biyernes na umabot ang mga paglindol sa 486, na mas mataas sa iniulat na 467 noong Huwebes.
Ayon naman sa Philippine Seismic Network, umabot na sa 738 na volcanic earthquakes ang naitala mula ika-12 ng Enero.
Nananatili pa ring Alert Level 4 ang Taal Volcano, na nangangahulugang posible ang delikadong pagsabog sa loob ng ilang oras hanggang ilang araw.
Patuloy pa rin na idinidiin ng ahensya ang pangangailangan ng "total evacuation" ng volcano island at mga high-risk areas na tinukoy sa hazard maps na saklaw ng 14-kilometrong radius mula sa Taal Main Crater at kahabaan ng Pansipit River Valley, kung saan nakita ang ilang pagbibitak (fissuring).
Paglabas ng maraming usok mabuti o hindi?
Sa kabila nito, hindi pa naman daw masabi ng Phivolcs kung mas mainam na sumisingaw ang pressure ang bulkan, sa pag-asang bumaba ang tsansang sumabog ito.
"'Yung depressurization ng magmatic system, maaari itong mabuti, maaari itong masama. Hindi natin pwedeng sabihin na porke ngayon ay nagsti-steam na siya na naman ay mabuti 'yan," sabi ni Bornas.
"Kailangan po natin manmanan ang bulkan kung ano ang ginagawa nito."
Aniya, naibsan daw ang steaming noong mga nakaraang araw, maaaring dahil sa nabarhan ang daanan. Posible rin daw na naubusan ng asupre ang ibabaw ng magma, kaya ito bahagyang humina noon.
Umiitim din ngayon ang usok sa bulkan dahil sa pagkakatangay (entrail) ng maliliit na abo na nagmula sa bulkan na kapuputok lang, bagay na normal pa rin naman daw.
Sa ngayon, tinatayang nasa lima hanggang anim na kilometro sa ilalim ng bulkan din ang tinatawag na "shallow magma chamber," na parehong lugar kung saan naitatala ang earthquake activity.
- Latest