Magtra-trabaho sa ika-9 ng Abril 'triple pay' ang makukuha
MANILA, Philippines — Patong-patong ang magiging bayad sa mga empleyado, magtrabaho man o hindi, sa darating na ika-9 ng Abril, paalala ng gobyerno, Huwebes.
Dalawang regular holiday kasi ang mangyayari sa araw na 'yon — Araw ng Kagitingan at Huwebes Santo.
Paliwanag ng National Wages and Productivity Commission, makakukuha ng 300% ng arawang sahod ang mga magtratrabaho pa rin sa mga araw na 'yon.
Pero wala namang talo ang mga taong pipiliing magpahinga habang bakasyon.
Kahit na hindi ka kasi pumasok sa araw na 'yon, 200% pa rin ng daily wage rate ang maaaring maiuwi ng mga manggagawa't empleyado.
Ayon sa Department of Labor and Employment, may karapatan ang mga manggagawa sa 200% ng kanilang sahod kung magtratrabaho tuwing regular holiday sa unang walong oras.
Pero kung hindi sila magtratrabaho sa regular holiday, buo (100%) pa rin na makakukuha ng sweldo ang isang empleyado.
Oras na mag-overtime sila sa trabaho, kinakailangan silang bayaran ng dagdag 30% ng kanilang hourly rate sa araw na 'yon [hourly rate ng basic wage x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho].
Kung magtratrabaho ang isang empleyado sa isang regular holiday ngunit araw ito ng kanyang pahinga, dapat siyang bayaran ng dagdag 30% ng kanyang basic wage na 200% [(basic wage + COLA) x 200%] + [30% (basic wage x 200%)].
Para sa mga nag-oovertime tuwing regular holiday na araw din ng pahinga, dapat siyang bayaran ng dagdag na 30% ng kanyang hourly rate sa araw na 'yon [hourly rate ng basic wage x 200% x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho].
Tuwing special non-working holiday, madadagdagan ng 30% ng kanilang karaniwang sweldo ang kanilang maiuuwi (130% lahat-lahat) para sa unang walong oras.
Hindi naman makakakuha ng sweldo ang mga hindi papasok tuwing special non-working days.
Kung mag-oovertime ang empleyado tuwing special non-working holiday, babayaran siya ng dagdag 30% ng kanyang hourly rate sa araw na 'yon [hourly rate ng basic wage x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho].
Kapag special day at nagtrabaho ang empleyado sa araw ng kanyang pahinga, mababayaran siya ng dagdag 50% ng kanyang basic wage sa unang walong oras ng trabaho [(basic wage x 150%) + COLA].
Kung mag-oovertime naman siya sa special non-working holiday day at araw din ng kanyang pahinga, babayaran siya ng dagdag 30% ng kanyang hourly rate ng nasabing araw [hourly rate ng basic wage x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho].
- Latest