Malakas na pagsabog pinangangambahan
Mga bitak sa lupa nakita
MANILA, Philippines – Nakitaan ng mga bagong bitak ang ilang kalsada sa Batangas sa gitna ng posibleng mapanganib na pagsabog ng bulkang Taal.
Ito ang nabatid kahapon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nagsabing ang mga bitak o hiwa na umabot ng halos 3 kilometro ang haba ay nakita sa Barangay Sinisian East, Mahabang Dahilig, Dayapan, Palanas, Sangalang, at Poblacion sa bayan ng Lemery; Barangay Pansipit sa Agoncillo; Poblacion 1, Poblacion 2, Poblacion 3, at Poblacion 5 sa Talisay; at Poblacion sa San Nicolas.
Nagsanga-sanga pa ang bitak at tumagos sa maraming bahay. Umabot sa 20 bahay ang nawasak dahil sa mga bitak.
May bitak din sa kalsadang nagdudugtong sa Agoncillo hanggang Laurel, Batangas.
Ang malalaking bitak ay nangangahulugang may aktibidad pa ring nangyayari sa ilalim ng bulkang Taal, tulad ng unti-unting pag-angat ng magma mula sa ilalim ng lupa, ayon kay Ma. Antonia Bornas, chief ng volcano monitoring division ng Phivolcs.
Sinabi ni Bornas, ang mga fissure na nakita sa bulkang Taal ay katulad noong 1911 na nagresulta sa ‘explosive eruption’.
“Ito pong fissures na ito or fractures, ito po ay nangyari din nung 1911 na pagputok ng bulkan bago po nagprogress sa climactic o explosive eruption,” saad ni Bornas sa press conference kahapon.
“Ito pong mga na-observe natin na tuloy-tuloy na paglindol na malalaki, kasama ng fissuring o mga panibagong fissures, naghuhudyat po na meron talagang magma na umaakyat pa sa Taal,” aniya pa.
Kahapon ay bahagyang humina ang aktibidad o pagbuga ng abo at lava fountain ng Taal pero hindi pa rin daw dapat maging kampante ang publiko.
Umaabot na sa 335 ang kabuuang bilang ng lindol sa Taal Volcano mula noong Linggo ng hapon, ayon pa kay Bornas.
- Latest