78% ng mga Pinoy happy sa 2019
MANILA, Philippines — Sa kabila ng mga kalamidad at hirap na dinanas, 78.6 porsiyento ng mga Pilipino ang nananatiling masaya nitong taong 2019.
Ito ang lumabas sa Veritas Truth Survey kung saan may indikasyon na hindi hadlang sa mga Pilipino ang anumang uri ng suliranin upang hindi makapagbigay ng magandang ngiti sa bawat labi.
Naging batayan dito ang mga karanasan ng mga Pilipino sa taong 2019 mula sa kanilang pamilya, lugar na pinagtatrabahuan, eskwelahan, sa mga parokya at komunidad na kinabibilangan.
Batay sa VTS, 48.3 porsyento ang aminadong masaya (Happy), 29.3 porsyento ang nagsasabing masayang-masaya (Very Happy) ang kanilang taon, 18.7 ang medyo masaya (Somewhat Happy) habang may 2.7% ang malungkot (Not Happy) ang nagdaang taon.
Naitala rin na 81 porsyentong mas masaya ang mga taga-Mindanao kumpara sa 80 porsyento sa Visayas at 76 porsyento ng mga taga Luzon.
Ginawa ang survey noong Nobyembre sa may 1, 200 respondents sa buong bansa kung saan labis na pinagdaanan ng mga Filipino ang suliranin ng kawalan ng suplay ng tubig sa Metro Manila, pagbagsak ng farm gate price ng palay na ikinalugi ng mga magsasaka, at ang paglaganap ng African Swine Fever na nakaapekto naman sa mga hog raisers sa bansa.
- Latest