Death threats ng NPA kay Pres. Duterte inupakan ni Go
MANILA, Philippines — Binatikos ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang pagbabanta ng New People’s Army (NPA) sa buhay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasabay nito’y hinamon ng senador ang komunistang grupo na patunayang sinsero ito sa pagpapanumbalik ng usapang pangkapayapaan sa gobyerno.
Sinabi ni Sen. Go na magiging hadlang ang mga pagbabanta sa buhay ng Pangulo sa panukalang muling buhayin ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng NPA.
Anang senador, seryoso ang Pangulo sa pangarap nitong maibalik ang kapayapaan sa bansa.
“Kung gusto niyo pala ng peace talks, wala na kayong kakausapin na tao kung papatayin ninyo. Kung gusto niyo ng kapayapaan, kung gusto niyo ng usapang pangkapayapaan, buhayin niyo ‘yan,” ani Go.
Sinabi ni Go na huwag maliitin at sayangin ng NPA ang trust and confidence na ibinibigay ng Pangulo sa kanila. Ginunita ng senador kung paano sila mismo pumapasok ng Pangulo noon sa kuta ng NPA sa Davao para iligtas ang mga dinukot na sundalo nang walang kasamang security personnel.
“Ibig sabihin, nagtiwala kami sa inyo. Umakyat kami ng bundok na walang bodyguards or armas. Nagtiwala ang Pangulo sa inyo. Kung gusto niyo ng kapayapaan, makipag-usap kayo,” ani Go.
Binalaan ni Go na mag-isip ng dalawang beses ang NPA sa pagbabanta sa buhay ng Pangulo.
“Si Pangulo naman ayaw niya na ang mga Pilipino o kapwa Pilipino ay nagpapatayan. Sino ba namang Pilipino ang gustong patayin ang kapwa Pilipino?” pahabol ng senador.
- Latest