Barangay, SK polls ipinagpaliban sa Disyembre 2022
MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang batas na nagpapaliban sa halalang pambarangay at sa Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakdang isagawa sa Mayo 11, 2020.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang batas para sa postponement ng barangay at SK elections o Republic Act No. 11462 ay pinirmahan ng Pangulo noong Martes.
Nakasaad sa enrolled version ng nasabing mga panukalang batas na itinatakda ang susunod na halalang pambarangay at SK elections sa Disyembre 5, 2022 sa buong bansa.
“Dahil sa nakatakdang pagpapaliban ng Barangay at SK elections, mabibigyan ng pagkakataon ang mga kasalukuyang nangangasiwa para matapos ang kanilang mga nasimulang proyekto at maipagpatuloy ang mga programang dapat ay tutugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupang kabaranggay,” pahayag ni Nograles.
Sa pagkakasabatas ng RA No. 11462, magiging epektibo na ang pagpapalawig ng termino ng mga kasalukuyang SK at barangay officials na nanalo noong May 2018 Barangay at SK elections.
Magugunita na nauna nang hiniling ni Pangulong Duterte sa Kongreso na madaliin ang pagsasabatas sa pagpapaliban sa nasabing halalan.
- Latest