Palasyo: Chinese airship sa Mischief Reef 'vina-validate' pa ng security officials
MANILA, Philippines — Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang Malacañang patungkol sa diumano'y pagkakakita sa isang Chinese airship sa ibabaw ng Miischief o Panganiban Reef sa West Philippine Sea.
Ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo, bineberipika pa naman daw ng mga security officials ang naturang ulat.
"Magde-defer na lang ako sa pahayag na ilalabas ng kalihim ng Foreign Affairs. Laging subject 'yan sa National Security Adviser pati na sa Department of National Defense secretary para makatiyak," sabi ni Panelo sa mga reporter nitong Lunes sa Inggles.
Paliwanag ni Panelo, lagi naman daw naglalabas ng pahayag si DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. sa tuwing magsasalita si Defense Secretary Delfin Lorenzana pagdating sa pambansang seguridad.
Una nang nag-tweet ng litrato ng isang Chinese aerostat ang Israeili satellite company na ImageSat International malapit sa Mischief Reef, isang teritoryong kontrolado ng Beijing ngunit inaangkin din ng Pilipinas sa Spratly Islands.
"Sa kauna-unahang pagkakataon, ang aerostat ng #Tsina ay nakita ng #ISI sa #Mischief Reef, malamang para sa #military #interlligence-gathering purposes," sabi ng ISI sa isang tweet noong ika-24 ng Nobyembre.
For the first time, #China's aerostat, probably for #military #intelligence-gathering purposes, seen by #ISI at #Mischief Reef. The use of #aerostat allows China a continuous situational awareness in this resource-rich region.#IMINT #VISINT #Space #SouthChinaSea #SouthSea pic.twitter.com/EnIzrJNht9
— ImageSat Intl. (@ImageSatIntl) November 24, 2019
Nakuha ang satellite image noong ika-19 ng Nobyembre, na unang indikasyon ng isang operational aerostat sa bahura.
Ang nasabing eroplano ay magbibigay sa Tsina ng kakayahang magkaroon ng tuloy-tuloy na situational awareness sa South China Sea, kasama ang West Philippine Sea.
Ang Mischief Reef ay saklaw ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas, at bahagi rin ng continental shelf ng Pilipinas.
Noong Hulyo 2016, sinabi ng ang Permanent Court of Arbitration na nilabag ng Tsina ang soberanyang karapatan ng Pilipinas sa EEZ nito sa West Philippine Sea.
Sa kabila nito, patuloy na iniitsapwera ng Tsina ang ruling na ito. — James Relativo at may mga ulat mula kay Patricia Lourdes Viray
- Latest