Cayetano handang magbitiw
MANILA, Philippines — Handang bitawan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pamamahala sa Mababang Kapulungan kung ayaw na ng mga kongresista na manatili siya sa posisyon.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag sa gitna ng mga batikos na natatanggap ng Philippine Sea Games Organizing Committee (PHISGOC).
Ayon kay Cayetano, kung sino ang gustong maging speaker ay maaari naman dahil hindi naman siya kapit tuko sa posisyon.
Iginiit ni Speaker na walang kinalaman ang SEA Games sa kanyang puwesto kaya kung mayroong mga gustong magsamantala dito o mang-intriga ay ayos din lang umano subalit ang higit umanong nasasaktan ay ang SEA Games at ang bansa.
Masyado rin umanong maaga para sa smear campaign laban sa kanya dahil malayo pa naman ang 2022 election at hindi naman siya tatakbo.
Handa rin ni Cayetano sa anumang imbestigasyon at siya mismo ang haharap sa Senado o sa Ombudsman.
Kahit umano Disyembre 12 o isang araw pagkatapos ng SEA Games ay maaari siyang papanagutin maging ang Sea Games Organizing committee.
Nagpahayag din ng kahandaan ang Speaker na sumailalim sa lie detector test para mapatunayang hindi siya nagsisinungaling at wala siyang kinita sa SEA Games at sa katunayan ay abonado pa umano siya rito.
Kasabay nito, hinamon naman niya sina Sens. Panfilo Lacson at Franklin Drilon na sumailalim din sa lie detector test.
- Latest