^

Bansa

Pilipinas No. 1 importer na ng bigas sa mundo; Rice tariffication sinisi

James Relativo - Philstar.com
Pilipinas No. 1 importer na ng bigas sa mundo; Rice tariffication sinisi
"Tulad na ng paulit-ulit naming sinasabi, manlilimos ang mga Pilipino ng bigas sa ibang bansa dahil sa RA 11203," ani Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupo ngayong Lunes sa Inggles.
Philstar/KJ Rosales

MANILA, Philippines — Pinatindi lang daw ng liberalisasyon ng industriya ng bigas ang problema ng Pilipinas pagdating sa pagkakamit ng rice self-sufficiency at pag-asa sa ibang bansa, pagtataya ng ilang watchdogs at grupo ng mga magsasaka.

Tinalo na kasi ng Pilipinas (3 milyong metric tons) ang Tsina (2.5 milyong MT) pagdating sa pag-aangkat ng banyagang bigas ngayong 2019, ayon sa datos na inilabas ng United States Department of Agriculture-Foreign Agricultural Service.

'Yan ay kahit na 13.6 beses na mas malaki ang populasyon ng Tsina (1,370,536,875) sa Pilipinas (100,981,437), ayon sa mga pinakahuling opisyal na census ng mga bansa.

Rice tariffication law

Ika-14 ng Pebrero nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11203, na nagtatanggal sa mga "import quota" at "prohibitions" kapalit ng pagpapabayad ng taripa mula sa mga bigas na galing sa ibang bansa, sa layuning masiguro ang seguridad sa pagkain.

Pero imbis na makatulong, tila pinalala daw nito ang problema ng bansa, ayon sa grupong Bantay bigas.

"Tulad na ng paulit-ulit naming sinasabi, manlilimos ang mga Pilipino ng bigas sa ibang bansa dahil sa RA 11203," ani Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupo ngayong Lunes sa Inggles.

Aniya, nagbunsod daw ito ng labis na pagkalugi ng mga magsasaka at pagbulusok ng kanilang produktibidad.

Sa ulat ng BusinessWorld nitong Oktubre, sinabing sumadsad pa lalo ang farmgate price ng palay, o unmilled rice, sa P15.96 kada kilo.

Ayon naman kay Magsasaka party-list Rep. Argel Joseph Cabatbat noong Setyembre, nasa P7 hanggang P10 na lang daw ito, na mas mababa sa P12 production cost.

Dagdag pa ni Estvillo, isang "epic failure" sa bahagi ni Duterte ang nangyayaring ito dahil sa Pilipinas dapat kinukuha ang pagkain ng mga Pinoy: "[K]aso, inilayo ito ng kanyang mga polisiya at inilagay sa diskresyon ng mga foreign traders na nakikipagsabwatan sa mga lokal na malalaking trader, na magdidikta ng suplay at presyo sa domestic market."

Sana raw ay huwag nang antayin ng gobyerno na umakyat ang bigas ng hanggang P50 kada kilo, dahil haharap lang daw ang bansa sa pag-aalsa ng nagbubungkal at 'di makakain.

Nakatakdang isumite ng Bantay Bigas ang "petisyon ng mamamayan para Ibasura ang RA 11203 Rice Liberalization Law" sa Kamara. 

'Socio-economic crime'

Samantala, tinawag naman ng Anakpawis na "socio-eonomic crime" ang pagpapasa ni Duterte ng nasabing batas dahil sa paglabag daw ng gobyerno sa mga probisyon ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights at United Nations Declaration of Human Rights.

Kinikilala daw kasi ng ICESCR at UNDHR ang karapatan sa sapat na pagkain bilang "haligi ng karapatan sa adequate stadard of living."

Ayon kay Ariel Casilao na dating party-list representative ng Anakapawis, dating kinatawan ng nasabing party-list, halos isang-kapat (quarter) ng kabuuang rice production ng Pilipinas noong 2017 at 2018 ang 3 milyong metric ton na import ngayong 2019.

Nasa 86% daw ng mga ipinapasok na bigas sa Pilipinas ang nagmula sa Thailand at Vietnam noong nakaraang taon, na papalo ng 1.5 milyong metric tons.

"Ang pagkain ng rice imports sa malaking bahagi ng gross supply ng domestic market ay malaking salot sa mga lokal na magsasaka, at nangangahuligann ng mas mababang farmgate prices at bankruptcy," sabi pa niya.

"Wala na dapat debate na kontra-magsasaka at kontra-Pilipino ang Rice Liberalization law, kaya dapat itong agad na mapa-repeal."

Bilang alternatibo, inilalaban ngayon nina Casilao ang pagpapasa sa House Bill 477, o Rice Industry Development Act, na inihain ng Makabayan bloc.

Sa ilalim nito, maglalaan ng P25 bilyon para sa Rice Production Socialized Credit Program, infrastrucutre at post-harvest facilities development, tulong sa farm inputs at research and develipment.

Nasa P310 bilyon naman ang ilalagak sa lokal na procurement ng palay ng National Food Authority kung maipatutupad nito.

AGRICULTURE

ANAKPAWIS

BANTAY BIGAS

LIBERALIZATION

RICE IMPORTATION

RODRIGO DUTERTE

TARIFFICATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with