Bodyguard sa judges hingi ng SC
MANILA, Philippines — Dahil sa sunud-sunod na pamamaslang sa mga hukom, nais ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na magkaroon ng security force na magbibigay proteksiyon sa mga hukom.
Ayon kay Peralta, marami ang nagrekomenda at nagpayo sa kaniya na bumuo ng marshals system tulad ng United States’ Marshals Service matapos ang pamamaslang kina Judge Mario Anacleto Bañez ng La Union at dating judge Exequil Dagala na inambush sa Siargao noong nakaraang linggo.
Bagamat may sariling security, sinabi ni Peralta na hindi naman ito maaaring mang-aresto at mag-imbestiga.
Giit niya, nais nilang magkaroon ng security na tulad ng power ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
Nais din ni Peralta na magkaroon ng authority ang judicial marshals na umaresto at mag-imbestiga at hindi na kailangan pang dalhin ang kaso sa istasyon ng pulis. Sila na rin ang magsasampa ng kaso.
Dagdag ni Peralta, hindi lamang mga saksi at huwes ang nakakatanggap ng pananakot kundi maging ang mga hukom. Umaasa sila na matutulungan sila ng Kongreso na maisakatuparan ito.
Aniya, kung itutulad sa US ang mga security na itatalaga sa mga hukom mas madaling maimbestigahan dahil sakop na ito ng SC.
Sa pamamagitan nito ay mas madaling mareresolba ang kaso.
Paliwanag ni Peralta sa Section 4 ng House Bill 3409 ni Cong. Ruffy Biazon, ang judicial marshals ay maaaring italaga sa lahat ng miyembro ng judiciary, mga asawa at immediate family kung kumpirmadong may mga pagbabanta.
Marapat lang anya na ang kanilang organisasyon ay binubuo ng abogado, criminology graduates, at may kaalaman sa pag-iimbestiga.
- Latest