Radio broadcaster pinatay bago makarating ng trabaho sa Dumaguete City
MANILA, Philippines — Binawian ng buhay ang isang mamamahayag ng radyo sa Lungsod ng Dumaguete habang patungo sana sa kanyang trabaho, Huwebes ng umaga.
Ayon sa mga ulat, nagmamaneho si Dindo Generoso sa kahabaan ng Hibbard Avenue sa Baranggay Piapi, nang biglang tambangan ng de-motor na lalaki bandang alas-siete y media.
Patungo na raw sana siya sa kanyang programa sa dyEM 96.7 Bai Radio nang mangyari ang insidente, ayon sa kanyang mga katrabaho.
Walong tama ng baril ang tinamo ng biktima sa iba't ibang bahagi ng katawan, dahilan para kanyang agad na ikamatay.
Hindi pa rin kilala ang gumawa ng krimen sa ngayon.
"Ang karumal-dumal na krimen na ito ay hindi makalulusot. Parurusahan natin kung sinuman ang nasa likod ng pagpatay na ito," wika ni Presidential Task Force on Media Security executive director Undersecretary Joel Egco sa Inggles.
Kilala ang palatuntunan ni Generoso sa pagtalakay ng mga development programs ng lokal na gobyerno, kabilang ang kontrobersyal na reclamation project na ipinahinto ng Department of Environment and Natural Resources noong nakaraang linggo.
Ayon sa PTFoMS, blocktimer ang kanyang palabas na suportado ng Dumaguete public information office. Ang mga blocktimer ay bumibili ng timeslot sa isang istasyon at naghahanap ng mga advertiser at sponsor para sa programa. Kadalasan, walang kontrol ang istasyon sa laman ng programa ng blocktimer.
"Bulnerable ang mga blocktimer dahil sa kaugnayan nila sa mga pulitiko," sabi pa ni Egco.
Kung may kaugnayan sa kanyang trabaho ang pagkamatay, ito na raw ang ika-14 na kaso ng journalist killing sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines.
Ito na rin ang ika-187 kaso ng pagpaslang isang mamamahayag simula nang matanggal sa pwesto ang diktador na si Ferdinand Marcos noong 1986.
Naidala na sa ngayon ang labi ng biktima sa Silliman Medical Center. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Artemio Dumlao
- Latest