Albayalde naghain ng counter affidavit sa DOJ
MANILA, Philippines – Nagsumite na ng kanyang counter affidavit sa Department of Justice si dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde sa reklamo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group patungkol sa “ninja cops” na nag-ugat sa kontrobersiyal na drug raid sa Pampanga noong 2013.
Personal na pinanumpaan ng dating chief PNP sa harap ng panel of prosecutors ng DOJ ang kanyang counter affidavit kung saan kanyang itinatanggi ang alegasyon ng CIDG.
Bukod kay Albayalde ay naghain na rin ng kontra salaysay si Police Major Rodney Raymundo Louie Juico Baloyo IV na sinasabing team leader sa Pampanga raid na present din sa pagdinig kasama ang iba pang respondents sa kaso.
Dumating din ang 12 pulis na sangkot sa umano’y pag-recycle ng droga na sina Police Senior Insp. Joven Bognot De Guzman Jr., SPO1 Jules Lacap Maniago, SPO1 Donald Castro Roque, SPO1 Alcindor Mangiduyos Tinig, SPO1 Dante Mercado Dizon, SPO1 Eligio Dayos Valoroso, PO3 Dindo Singian Dizon, PO3 Gilbert Angeles De Vera, PO3 Romeo Encarnacion Guerrero, Jr. at PO2 Anthony Loleng Lacsamana.
Sa pagpasok ni Albayalde sa hearing room, tumayo si Baloyo ngunit tiningnan lamang siya ng dating PNP chief.
Naniniwala ang PNP-CIDG na mananagot sa kaso ang dati nilang hepe.
Mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 3019 Qualified Bribery, Falsification of Public Documents, dereliction of duty against officers and personnel of the PNP ang isinampa sa mga respondent.
Itinakda ang susunod na pagdinig sa Nob. 11, 2019.
- Latest