16 patay, 403 sugatan sa Mindanao earthquake ngayong linggo
MANILA, Philippines — Nag-iwan ng mga casualty at mga nawawalang tao bunsod ng mga lindol na tumama sa paligid ng Tulunan, North Cotabato ngayong lindol.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council Biyernes ng umaga, pumalo na sa 16 ang patay, 403 ang sugatan habang dalawa pa ang nawawala.
Sa mga nasawi, tatlo ang nanggaling sa Davao Region (Region XI) habang 13 naman sa Soccsksargen (Region XII).
Ang mga bilang na 'yan ay mula sa pinagsama-samang sinalanta ng magnitude 6.6 at 6.5 na pagyanig nitong ika-29 at ika-31 ng Oktubre.
Parehong umabot sa Intensity VI, o "destructive," ang lakas na nadama nitong mga nakaraang araw.
Dahil dito, umabot na sa 30,045 na ang naaapektuhan sa 72 baranggay mula Davao Region at Soccsksargen.
Sa bilang na 'yan, 12,760 ang kasalukuyang nasa mga evacuation centers habang 6,850 ang nasa pinagsisilbihan sa labas ng mga ito.
3,000 istruktura napinsala
Samantala, patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga nasirang mga imprastruktura nitong mga nakaraang araw.
Mula sa dating 2,815, umabot na ng 3,220 ang mga nagtamo ng pinsala sa pagyanig.
Sa bilang na 'yan, 1,854 ang bahagyang napinsala habang 1,366 ang wasak na wasak.
Narito ang breakdown ng mga nasabing damage:
- bahay (2,617)
- paaralan (513)
- pasilidad pangkalusugan (20)
- iba pang gusali ng gobyerno (30)
- lugar sambahan (6)
- pribadong establisyamento (26)
- kalsada at tulay (8)
Naglaan na ng P1,009,358 halaga ng tulong ang Department of Social Welfare and Development at Office of Civil Defense XI sa mga apektadong pamilya.
Sa kabila ng mga nangyari, walang planong bumisita't tumulong mag-inspeksyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tinamaan ng lindol.
'Yan ay kahit na nasa Davao City lang siya nang mangyari ito kahapon ng umaga.
"[M]inabuti ng presidente na umiwas muna sa personal na pag-iinspeksyon at pagmando sa mga tinamaan ng trahedya dahil nagsasagawa na ng operasyon ang mga local government units," wika ni presidential spokespderson Salvador Panelo sa Inggles.
Inutusan na rin daw ng presidente, sa pamamagitan ng iba't ibang ahensya, na magbigay ng kinakailangang tulong.
Tuloy naman ang biyahe ni Duterte mamayang hapon sa Bangkok, Thailand upang dumalo sa ika-35 na Association of Southeast Asian Nations Summit at Related Summits.
- Latest