Insular Oil sumunod sa Fuel Marking program
MANILA, Philippines — Kasunod nang pagsisimula ng ‘marking activities’ sa petroleum products ng Seaoil Philippines, Inc. sa Batangas at Unioil Petroleum Philippines, Inc. sa Bataan, sumunod na rin ang Insular Oil Corporation sa Subic sa nationwide implementation ng Fuel Marking Program at isinagawa ang kanilang first marking activity nitong Oktubre 30, 2019.
Tinatayang aabot sa 8,213,636 litro ng Mogas Ron 92 Gasoline na sakay ng MT Grand Ace 11 mula sa Guangdong, China ang minarkahan sa fuel terminal facility ng Pure Petroleum Corporation Subic, nang pinagsanib na grupo ng DOF BOC at SGS-SICPA.
Umaasa naman ang Bureau of Customs (BOC), sa pamamagitan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, na mapapabilis ang marking ng petroleum products na iimbak, ibibiyahe at ipagbibili, dahil malapit na ang field testing phase ng programa.
Pinayuhan naman ni Customs Deputy Commissioner for Enforcement Teddy Raval, na pinuno ng implementing office ng programa, ang mga retailers na bumili at magbenta lamang ng ‘marked fuel’ upang maiwasan ang paglabag at hindi mapatawan ng penalties, na kinabibilangan pa ng criminal prosecution.
Sa Pebrero 3, 2020 ay magsisimula na ang testing ng fuel sa retail side, gayundin ang enforcement actions nito.
Ang mga gasolina, diesel at kerosene na matutuklasan anilang nananatiling ‘unmarked’ ay kukumpiskahin at papatawan ng parusa ang mga taong mapapatunayang responsable sa pag-iimbak, pagbibiyahe, pag-aangkat o pagtitinda ng mga ‘unmarked fuel.’
- Latest