Ang kahalagahan ng pagsisipilyo sa kinabukasan ng kabataan
MANILA, Philippines — Nasa kamay ng mga ina ang kapakanan ng kanilang mga anak, lalo na pagdating sa kalusugan.
Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nababantayan nila ang kanilang mga anak. Habang lumalaki, sila ay nagiging mas malaya sa kanilang mga nais na pagkain.
Ito ay mas napapanahon ngayong naglipana na sa merkado ang iba’t ibang uri ng junk foods, kasama na ang mga sugary na pagkain. Dahil sa talamak na pagbebenta ng mga ito, sa mga sari-sari store halimbawa, mas madaling nagkakaroon ng access sa ‘di masustansyang pagkain ang mga kabataan.
Ang hindi masustansya at labis na matamis na diet ay nagdudulot ng maraming hindi kanais-nais na sintomas sa katawan. At lingid sa kaalaman ng nakararami, kasama rito ang pagkabulok ng ngipin.
Kapag masakit ang ngipin, nauunsyami ang mga aktibidad kasama ang mga kaibigan o pamilya. Sa ganitong mga pagkakataon ay mas pipiliin na lamang manatili sa bahay. Sa lubhang sakit ay hindi na rin nakakakain nang maayos ang bata, na siyang nagiging dahilan ng pagkahina.
Dahil nakikita sa panglabas na anyo, ang mga sirang ngipin ay nakabababa rin ng kumpiyansa pagdating sa social interaction.
Sa kabataan, ang pagkabulok ng ngipin ay may epekto rin sa pag-aaral. Ayon sa mga eksperto, sakit ng ngipin ang pangunahing dahilan ng pagliban (absent) ng mga bata sa klase. Sa isang pananaliksik, lumalabas na 97% ng edad anim na mga bata ay nagkakaroon ng tooth decay.
Higit pa rito, maari ring maapektuhan at maimpluwensiyahan ng oral cavities ang kabataan hanggang sa kanilang pagtanda. Hindi lamang sa kanilang edukasyon pati na rin sa mga karanasan at oportunidad sa buhay.
Kaya naman tunay na nakasalalay sa mga ina ang pag-iwas sa dental cavities at pangangalaga ng ngipin ng kanilang mga anak. Narito ang ilang mga hakbang upang maituro ang kahalagan ng oral health sa kabataan:
1. Maging mapili sa pagkain
Maging mapagmatyag sa dietary habits ng inyong mga anak. Idiin sa kanila ang kahalagahan ng tamang nutrisyon sa katawan, kasama na ang ngipin. Iwasan ang pamimili ng junk food, bagkus ay mag-stock ng mas masustansiyang pagkain tulad ng gulay at prutas.
2. Maging ehemplo
Makatutulong din na sa loob pa lamang ng tahanan ay maging ehemplo o role model ang mga nanay pagdating sa pag-aalaga ng ngipin. Ituro sa mga anak ang tamang paraan ng pagsisipilyo. Hindi dapat bababa sa dalawang minuto ang itatagal gamit ang tamang strokes para masiguro ang kalinisan ng ngipin.
3. Ugaliin ang pagsisipilyo
Para masiguradong parating malinis ang ngipin, ugaliing magsipilyo tatlong beses sa isang araw o pagkatapos kumain. Siguruhin din na ang toothpaste na gamit ay may calcium at fluoride na siyang mga pangunahing sangkap na nagpapatibay sa enamel ng ngipin at panlaban sa pagkasira nito.
4. Bumisita sa dentista
Dapat ding mag-iskedyul ng routine dental appointments ang mga nanay para sa mas masusing pangangalaga ng oral health. Sa ganito ring paraan ay mas masasanay ang mga bata sa dentista at mababawasan ang kanilang takot. Higit sa lahat, mas magiging maganda at matibay ang mga ngipin sa pangmatagalan.
Laging tandaan na sa pangagalaga ng katawan, isaalang-alang din ang ngipin. Dahil mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda, ang magandang mga ngiti ang magpapamalas sa ating mga tagumpay.
RELATED: Why we need to help protect the health of Filipino youth
- Latest